Sa loob ng 25 araw sapul nang umaktong Speaker si dating pangulong Gloria Macapagal- Arroyo sa Third Regular Session ng 17th Congress, natalakay ng Kamara ang aabot sa 778 panukalang batas.
Sa naturang bilang, nasa 32 ang naging batas na, kabilang na rito ang walong may pambansang kahalagahan.
Bago nag-adjourn ang Kongreso nitong Oktubre 10, tinalakay ng kapulungan sa bawat session day nito ang aabot sa 31 mungkahing batas.
Sa pangkalahatan, aabot sa 3,707 panukala ang tinalakay at naiproseso ng Kamara mula sa pagbubukas ng 17th Congress, nitong Hulyo 25, 2016.
Matapos palitan ang pinatalsik na ex-House Speaker na si Pantaleon Alvarez, siniguro ni Arroyo na sisikapin niyang maipatupad ang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinamalas ni Arroyo ang taglay na trademark ng isang masipag na lider, dumalo siya sa mga committee hearings at plenary session upang matiyak na ang mahahalagang socio-economic measures ay matalakay at maipasa alinsunod sa iskedyul.
-Bert de Guzman