Umamin ang isang guro na siya ang nag-post online ng banta laban sa ilang opisyal at isang guro ng Dumangas National High School sa Iloilo, na naging dahilan upang suspendihin ang face-to-face classes noong Miyerkules, Agosto 5, 2026.
Ayon sa Schools Division Office (SDO) ng Iloilo, inamin umano ng guro ang ginawa nito sa pakikipag-usap sa kinatawan ng Department of Education (DepEd).
Sa naturang post, sinabi umanong mamamatay ngayong buwan ng Agosto ang isang principal, assistant principal at isang guro ng paaralan.
Humingi naman ng paumanhin ang guro kaugnay ng kaniyang ginawa.
“Inamin naman ng teacher na na-post niya yung mga items sa social media and he also asked for apology sa Schools Division Office, at the same time, sa school rin, of course, sa disruption,” pahayag ni Leonil Salvilla, spokesperson ng SDO Iloilo, sa media.
Binigyan umano ang guro ng 72 oras upang pormal na ipaliwanag kung bakit siya nagbitiw ng naturang pagbabanta.
Samantala, sinisilip ng mga awtoridad ang umano'y alitan sa pagitan ng guro at ng school administration bilang posibleng pinagmulan ng insidente.
Ayon sa tatlong estudyante, maaaring may kaugnayan sa insidente ang umano'y pagtutol ng guro sa pagbebenta nila ng chicken pastil sa loob ng campus.
Saad pa ng mga estudyante, nagbebenta rin umano ng naturang pagkain ang guro sa school canteen.
Sinabi ng kabataan na napilitan silang magtinda upang kumita ng pera para makatulong sa kanilang pamilya at masuportahan ang kanilang pag-aaral.
Ayon sa SDO Iloilo, pinapayagan ang mga guro at maging mga outsider na magbenta sa canteen basta't sumusunod sila sa food safety at food handling guidelines.
“That’s one thing that we are also checking at bini-verify pa natin definitely. Isa yan sa tututukan ng Schools Division upang ma-correct rin natin if there are, siguro, may mga konting dapat i-improve in terms of implementation ng policies,” ani Salvilla.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang sinusuri rin ang umano'y alitan sa paaralan na maaaring naging ugat ng pagbabanta.