PINAGHIRAPAN talaga ng comedian-actor na si John “Sweet” Lapus na matupad ang matagal na niyang dream na maging direktor. At ang katuparan ng pangarap niyang ito ay magaganap na sa gala premiere ng kanyang directorial debut, ang Pang MMK, isa sa anticipated entries sa Cinema One Originals Film Festival.

Sa Friday, October 13, na ang gala night ng Pang MMK at dadalo ang bumubuo sa cast na sina Noel Coleta, Joel Torre, Cherry Pie Picache, at Nikki Valdez na muling gagampanan ang kanilang mga role sa original na Maalaala Mo Kaya episode na pinagbasehan ng pelikula.

Nag-aral si Sweet ng directing kay Carlitos Siguion-Reyna sa Cinemalaya Foundation, at sumali rin siya sa scriptwriting workshop ni Ricky Lee nang ini-recommend siya ng kaibigang si Direk Don Cuaresma.

“October last year, isinulat ko ang script ng Pang MMK,” kuwento ni Sweet. “That time wala akong trabaho, walang pera, kaya naisipan kong magsulat ng script at isinali ko ito sa Cinema One.

Tsika at Intriga

Sey mo Julie Anne? Vice Ganda, nag-joke tungkol sa 'Anong kinakanta sa simbahan?'

“Hindi ko in-expect na mapipili ako, kaya nung announcement, ‘di naman ako nalungkot. Ipinasa ko na lang sya sa Digital Team ng boss kong si Deo Endrinal. May biglang nag-back-out na entry. Ayun, ako ang pumasok.

“First time ko itong magdidirek ng movie. Alam kong malaking challenge. Thankful ako na nakakuha ako ng isang mahusay na production team. Gusto ko lang namang magpatawa ng tao sa puso at hindi lang sa labi. Ang Pang MMK ay isang dark comedy na magpapahalakhak sa labi at puso.”

Sa first day ng shooting ay kaagad na nalaman ni Sweet na hindi siya ‘yung tipo ng direktor na sumisigaw at nagmumura kapag nai-stress o may nagkamali sa set. Kalmado lang daw siya sa set, siguro daw dahil mas matured na siya ngayon.

“Pero tama pala iyong sinasabi nilang mas mahirap magdirek. Twenty five years na akong umaarte at gamay ko na ang lahat ng roles na ibinibigay sa akin. Pero sa pagdidirek, marami pala akong dapat matutunan.

“Kung papipiliin ako, mas gusto ko talagang umarte, mas malaki ang talent fee. Pero matumal ngayon ang offers. Kaya tamang-tama na natuto akong magsulat ng script. Dagdag pang blessing, kinausap ako ng ABS-CBN Publishing at gagawin daw nilang libro ang script ko, nakakataba ng puso,” kuwento ni Sweet.

Ang Cinema One Originals ay sa October 12-21, at mapapanood sa SM North EDSA, Trinoma, Gateway, Santolan Town Plaza sa San Juan City, Powerplant, SM Megamall, SM Manila, SM Sta. Mesa, FDCP Cinematheque Manila, UP Cine Adarna, Cinema 76, Black Maria Theater, at Cinema Centenario.

-NORA V. CALDERON