Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na walang sakit si Pangulong Rodrigo Duterte, kahit pa una nang inamin ng Punong Ehekutibo na may natuklasang growth sa kanyang bituka.
Sa panayam sa kanya ng mga reporter ng Malacañang sa telepono, tiniyak ni Go na walang sakit ang Presidente.
“Sa mga nagsasabing may sakit po siya, wala talagang—huwag kayong mag-alala. Tulungan n’yo na lang kami. Wala talagang mahanap na sakit,” sabi ni Go.
Nang tanungin kung lumabas na ang resulta ng bagong endoscopy kay Duterte para siguruhin niyang wala nang sakit ang Pangulo, hindi tuwiran ang naging sagot ni Go.
“Hindi ko masasagot ‘yan. Sabi ko nga sa mga bumabatikos sa kanya, hindi ‘yung sakit niya, wala talagang mahanap.
“Wala ngang sakit, so wala talagang mahanap.
“Hindi ko alam [kung lumabas na resulta] pero wala talagang mahanap. Basta wala talagang mahanap na sakit,” paulit-ulit na sabi niya.
Sinabi rin ni Go na nakadepende pa rin kay Duterte kung maglalabas ito ng medical bulletin kaugnay ng tunay na lagay ng kalusugan nito.
“Si Presidente lang po ang makakasagot d’yan. Gaya ng sabi ko, kung serious nasa Constitution naman po, kung merong serious illness ang Presidente, kailangan i-divulge ‘yung ano. Eh wala namang serious illness si Pangulo. Wala ngang sakit, eh,” sabi pa ni Go.
Noong nakaraang linggo, si Duterte mismo ang umamin na nagtungo siya sa Cardinal Santos Medical Center upang makakuha ang mga doktor ng sample kaugnay ng natuklasang growth sa kanyang bituka.
“I don’t know where I’m now physically but I have to wait for that. But I will tell you if it’s cancer, it’s cancer,” sinabi ng Pangulo. “If it’s third stage, no more treatment. I will not prolong the agony in this office or anywhere.”
-Argyll Cyrus B. Geducos