Nasa 45 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang may problema sa kalusugan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang lumalabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong September 15-23.

Sa 1,500 Filipino adults na na-interview, 45% ang nagsabing naniniwala silang may health problem ang Pangulo, 26% ang hindi naniniwala, habang 29% ang “undecided” sa isyu.

Samantala, 55% naman ang nagsabing nababahala sila na magkaroon ng problema sa kalusugan ang Presidente, habang 44% ang hindi nababahala.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

Lumalabas din sa survey ng SWS na 61% ng mga Pilipino ang naniniwalang ang kalusugan ng Pangulo ay isang “public matter”, o usaping mahalaga sa publiko kaya dapat ipaalam sa mamamayan ang lahat tungkol dito; 33% ang nagsabing ito ay pribadong paksa at hindi na kailangang ipaalam sa publiko; habang 6% ang walang opinyon.

Pinakamarami ang nagsabi na may problema sa kalusugan ang Pangulo sa Metro Manila sa +31, na sinundan ng Balance Luzon sa +21, Visayas sa +14, at pinakakaunti sa Mindanao sa +12.

Gayunman, pinakamarami sa Mindanao ang nag-aalala sa kalusugan ng Pangulo sa +61, na sinundan ng Metro Manila sa +59, Balance Luzon sa +53, at Visayas sa +51.

Ang resulta ng survey ng SWS ay inilabas sa kasagsagan ng mainit na isyu tungkol sa kumpirmasyon ni Pangulong Duterte na nagpatingin siya sa Cardinal Santos Medical Center nitong Miyerkules.

-Beth Camia