Posibleng tumaas muli ang presyo ng sardinas ngayong Oktubre.
Ito ang babala kahapon ni Angel Jorge Ledesma, presidente ng Industrial Group of Zamboanga, Incorporated.
Pinagbatayan ni Ledesma ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo, na parehong ginagamit sa bangka o barkong pangisda.
Gayunman, hindi pa niya matiyak kung magkano ang eksaktong itataas sa presyo ng sardinas.
Aniya, kapag tumataas ang presyo ng krudo at gasolina, tumataas din ang konsumo, at magsusunuran na rin ang lahat sa taas-presyo.
Pinag-aaralan pa rin nila ang patuloy ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, at dito nila ibinabatay ang idadagdag nila sa presyo ng kanilang produkto, ayon kay Ledesma.
-Beth Camia