Dinepensa ng abogadong si Atty. Mark Tolentino na kusang lumapit ang natiklong talent manager at mga babae sa kliyente niyang si dating Negros Oriental Rep. Jing Paras.
Kaugnay ito sa pagkakadawit ng pangalan ni Paras at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa character assassination o sex scandal plot umano para sirain ang pangalan ni Executive Secretary Ralph Recto.
Nag-ugat ito nang matiklo ng NBI sa isang entrapment operation ang talent manager na si Lito de Guzman o alyas “Ken” at lima pang mga babae.
Pinuga umano ni De Guzman sa NBI na nakipag-ugnayan sa kaniya si Paras upang kumuha ng mga babae at gumawa ng fabricate statement kung saan pinuwersa umano silang makipagtalik at gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!
Sa pahayag ni Tolentino sa panayam sa kaniya ng media noong Martes, Agosto 11, 2026, idiniin niyang wala raw naganap na “hiring” sa naturang kaso ng kaniyang kliyente na si Paras.
Depensa ng abogado, kusa raw lumapit ang talent manager at mga babae kay Paras upang ihayag ang umano’y nangyari noong 2025.
“Walang word na ‘hire.’ Walang nangyaring pag-hire. Walang nangyaring pag-recruit. It’s purely, sila ang lumalapit sa kliyente ko para mag-offer sila ng statement sa nangyari noong 2025,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Walang behind kasi sila ang nag-volunteer. Si Mr. ‘Ken,’ sila ang nag-offer, nag-volunteer sila na may sasabihin na nangyari in 2025.”
Ani Tolentino, nagtawag ng abogado at tumulong lang daw si Paras na gumawa ng affidavits para sa mga babae dahil sa adbokasiya raw nitong ayusin ang gobyerno.
“Ang trabaho naman sa aking kliyente is tumulong lang sa paggawa ng affidavits sa mga babae. Nagtawag siya ng mga abogado para maggawa ng mga affidavit,” ‘ika niya.
Diin pa niya, “Tumawag sila na may gusto silang sabihin na nangyari noong 2025 na makatulong sa government. Gusto nilang lapitan si Cong. Jing Paras kasi ang advocacy ni Jing Paras is accountability, transparency, and of course, anti-corruption.”
“So tumutulong lang siya na linisin ang ating government,” anang abogado.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Cong. Jing Paras, pasimuno sa character assassination vs ES Recto—SILG Remulla