Umaasa ang gobyerno na hindi na tataas pa ang presyo ng langis sa mundo ngunit nakahanda ng contingency plan para maibsan ang pagtaas pa nito.

Sinabi ng Presidential Spokesman Harry Roque na ang tax reform law ay nagpapahintulot sa gobyerno na supendihin ang susunod na fuel excise tax rate kapag ang presyo ng Dubai crude oil ay umabot sa partikular na antas.

Ito ang ipinahayag ni Roque matapos magpatupad ang mga lokal na kumpanya ng isa pang serye ng dagdag–presyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pandaigdigang presyo.

“Nasa batas po iyan, kapag umabot ng certain amount wala na pong gagawin ang kahit sino, automatic po masu-suspinde iyon. So, sana po hindi umabot doon,” ani Roque sa news conference sa Palasyo nitong Lunes.

Eleksyon

Sen. Risa, masaya sa nagiging resulta ng eleksyon: 'Lumalakas na ang totoong oposisyon!'

“Noong binuo po iyong batas, eh meron din po silang foresight na baka nga tumaas ang langis at kinakailangan i-suspend iyong collection ng additional excise taxes. So, nasa batas na po iyan,” aniya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, sususpendihin ang susunod na fuel tax rate increase kapag pumalo ang three-month average ng Dubai crude sa $80 kada bariles. Layunin ng tax-freeze provision na protektahan ang publiko mula sa tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Noong nakaraang Disyembre, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang TRAIN law na nagpapahintulot ng mas mababang personal income tax para ma-offset ang mas mataas na buwis sa langis, sasakyan at sweetened beverages.

Sa ilalim nito, ipinataw ang P2.50 excise tax sa kada litro ng diesel at bunker fuel simula noong Enero. Tataas ang rate sa P4.50 sa 2019 at P6 sa 2020.

Tumaas naman ang excise tax sa gasoline mula P4.35 bawat litro sa P7 ngayong taon. Aakyat ito sa P9 sa 2019 at P10 sa 2020.

-GENALYN D. KABILING