Nagkaroon ng tensiyon sa dalawang high school sa Maynila nang makatanggap ang mga ito ng bomb threat, nitong Lunes ng gabi at kahapon ng umaga.
Sa paunang pagsisiyasat, naiulat na nakatanggap ng mensahe sa Facebook ang isang Filipino teacher kaugnay ng bomb threat sa Raja Soliman Science and Technology High School at sa Jose Abad High School na ipinadala ng isang Tyrone Fernandez, nitong Lunes, dakong 7:50 ng gabi.
“From TY Ron II. May naglagay jan 3:00 p.m. announce nyo na bukas please #prayforraja. Bilis wag na kayo magpatumpik-tumpik pa konting oras na lang sasabog na ang Raja hindi aqoe nagbbro may bomba talga jan. At ung Abad may nagtanim din ng bomba,” saad sa pagbabanta.
Gayunman, negatibo sa anumang pampasabog ang dalawang paaralan, batay sa inspeksiyon ng mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Manila Police District (MPD), dakong 11:30 ng gabi.
Minaliit naman ni Chief Insp. Arnold Santos, ng MPD-EOD, ang sunud-sunod na pagbabanta sa mga eskuwelahan sa Maynila.
“Nakiki-ride on lang sa uso ‘yang mga ‘yan,” aniya.
Hinalughog din ng MPD-EOD ang Jose Abad Santos High School sa Binondo, kahapon, dakong 2:30 ng umaga, at wala ring nakitang anumang pampasabog sa campus.
Nitong Setyembre 29 ay nakatanggap din ng bomb threat ang Universidad de Manila ngunit negatibo rin sa pampasabog ang unibersidad.
-Erma R. Edera