NAGMISTULANG reunion ng mga veteran artists at mga kilalang personalidad outside showbiz ang My 40 Years concert ni Sharon Cuneta sa Smart Araneta Coliseum nitong Biyernes nang gabi.

Sharon copy

Halos lahat sila ay umaming ‘Certified Sharonian’ kaya naman hindi nila pinalampas ang gabing iyon, at take note sabi nila: “Bumili kami ng tickets, hindi kami nanghingi.”

Hindi namin napanood ang pagkanta ni KC Concepcion ng Mr. DJ dahil na-late kami, at ang inabutan na lang namin ay sumasayaw si Sharon sa segment ng The Sharon Cuneta Show (TSCS) opening medley sa mga awiting You On My Mind (Swing Out Sisters), Vogue (Madonna), Breakout (Swing Out Sisters), at Together Again (Janet Jackson) kasama ang Hotlegs at Adrenalin dancers. Back-up singers niya sina Olive, Tina at Agot.

Pelikula

'Big shoes to fill:' Aicelle Santos, na-pressure sa 'Isang Himala'

Bahagyang nagkuwento ang Megastar sa panahon ng TSCS na talagang unforgettable para sa kanya, dahil umabot sa 12 seasons o 11 years sa IBC 13.

Ang sumunod na production number ni Sharon ay kasama niya ang music icons na sina Ms Kuh Ledesma at Zsa Zsa Padilla plus Agot Isidro sa segment na Divas medley ni Aretha Franklin, sa mga awiting You Make Me Feel, Respect, Say A Little Prayer; at mga awitin ni Whitney Houston na How Will You Know at I’m Every Woman.

Ang hindi malilimutang awiting Dapat Ka Bang Mahalin (naging titulo ng pelikula nila ni Gabby Concepcion noong 1984) at Init sa Magdamag (titulo ng pelikula kasama sina Lorna Tolentino, Joel Torre at Dindo Fernando noong 1983).

Kung may Divas medley si Shawie ay may pa-leading men tribute siya para sa mga nakasama niya sa pelikula, na kapareho rin ng titulo sa kanta. Kabilang dito ang Kahit Konting Pagtingin (Fernando Poe, Jr, 1990), Maging Sino Ka Man (Robin Padilla, 1991), Pangako Sa ‘Yo (Bong Revilla, Jr. 1992), Kung Kailangan Mo Ako (Rudy Fernandez, 1993), Ikaw (Ariel Rivera, 1993), Madrasta (Christopher de Leon, 1996), at Kung Ako Na Lang Sana (Aga Muhlach, 2003).

Pinasalamatan ni Sharon si Olive ‘Inang’ Lamasan na nasa audience na siyang direktor ng pelikulang Madrasta na nagbigay sa kanya bilang grand slam winner.

Naka-duet din ni Sharon ang nag-iisang Basil Valdez. ‘Yun lang medyo kinapos ang singer/actress/TV host judge sa duet nila ng Ngayon at Kailanman. Pero okay lang, dahil ‘yun lang ang mali niya sa kabuuan ng concert.

Nakasama rin ni Sharon sa performance sina Martin Nievera at Gary Valenciano sa segment na Inspirational medley ng I’ll Be There (Michael Jackson) at Take Me Out of the Dark (Gary V).

Surprise guest naman ni Sharon si Regine Velasquez-Alcasid, habang kinakanta ng huli ang Friends, na soundtrack ng pelikulang Friends in Love (1983), kung saan naging leading man ni Sharon si Rowell Santiago.

Pag-amin ni Songbird: “I’m a big fan, unang kantang minemorize ko ay Mr DJ.” Kaya ang ingay-ingay lalo ng lahat.

Kinanta ni Sharon ang sinulat niyang Maybe Someday, na kasama sa For Broken Hearts album na released ng Viva Records (2002). Ayon sa aming source ay idini-dedicate niya ito kay Richard Gomez, na naging karelasyon niya bandang 1998. Ito rin ang taong unang nagsama sila sa pelikulang Buy One Take One (1998) kasama sina Ms Susan Roces at Bernard Bonnin (RIP).

Pagkatapos ng solo prod ni Shawie na Maybe Someday ay lumabas na ng stage si Richard, na talagang nakakabingi ang mga hiyawan simula sa pinakatuktok hanggang sa pinakababa ng Big Dome. Wala ring tigil ang kislapan ng cell phone cameras habang kinakanta ng dalawa ang Somewhere Down the Road, na ayon sa aming source ay isa sa mga theme songs nila.

Grabe, hindi na namin marinig ang dalawa habang kumakanta sa ingay ng lahat! Napadako ang tingin namin sa kinauupuan ni Senator Kiko Pangilinan kasama ang mga anak na sina Frankie at Miel, na parehong seryosong nanonood kina Sharon at Richard. Pero nakita rin naming pumapalakpak ang dalawang bagets at ang Papa nila pagkatapos ng prod number.

Na-curious ang lahat sa medyo matagal na beso-beso nina Goma at Shawie, na ‘tila may ibinulong sa isa’t isa. Mahigpit pa silang nagyakap at madalas na naghahawakan ng kamay. Napansing ‘tila teary-eyed pareho ang dalawa, kaya lalong naghiyawan ang lahat ng tao.

Pagbaba ni Mayor Richard ay tumalikod sandali si Sharon sa audience at nagpunas ng pawis at uminom, habang nakatingin sa kanya ang asawang si Kiko at mga anak. Pagharap niya sa audience ay nakangiti na siya.

Solong prod number ulit ni Mega ang Sana’y Wala Nang Wakas, na sinundan ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, ka-duet ang sumulat ng nasabing awitin, at isa ring music icon, ang punong hurado sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime na si Rey Valera.

Finale number ni Sharon ang Dahil Nandiyan Ka at Pangarap na Bituin na ang ganda-ganda ng pagkakanta niya na sumasabay ang mga nagkikislapang mga ilaw na mala-bituin.

Ang ganda ng kabuuan ng My 40 Years concert ni Sharon, ang ganda ng boses niya, sakto lang lahat pati spiels niya na hindi siya masyadong nagdadaldal. Siya rin pala mismo ang sumulat ng script niya, dahil siya lang naman talaga ang nakakaalam ng nangyari sa loob ng 40 years niya sa showbiz.

At ang encore number na I-swing Mo Ako ay dapat sasayaw ang buong pamilya ni Shawie na sina KC, Frankie at Miel, na umakyat sa stage. Ang ending ang mag-asawang Kiko at Sharon ang sumayaw.

Hindi na namin binanggit pa ang pa-tribute sa kanya ng mga nakasama niya sa pelikula o programa, tulad nina Randy Santiago, Ogie Alcasid, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Joel Lamangan, at iba pa dahil kulang na kami sa espasyo.

Maraming hindi nakapanood sa My 40 Years show ni Sharon dahil naubusan ng tickets, kaya humihirit sila ng repeat. Ano kaya ang sagot ni Mega rito?

-REGGEE BONOAN