Isa umanong snatcher ang nakorner at nilamog ng mga bystanders matapos magtangkang tumakas mula sa isang jeep sa Taft Avenue corner Pedro Gil sa Maynila, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Rey Mendoza, nasa hustong gulang, ng Baseco Compound, Maynila.
Habang ang biktima ay si Ann Macacando, 23, therapist, residente ng Pinagkuartelan, Pandi, Bulacan.
Sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Pedro Gil Street corner Taft Avenue, Maynila nang agawin ng suspek ang kanyang pitaka nitong Lunes, dakong 7:30 ng gabi.
Sa kabutihang palad, napansin ng mga bystanders ang insidente at agad na hinabol ang suspek.
In-upload ni Julan Brent Colina sa Facebook ang video ng insidente at sinabing: “A snatcher was beaten up in Pedro Gil, his accomplice got away.”
Sa video, isang lalaki ang mapapanood na hinihila ang magnanakaw palabas sa jeep sa Pedro Gil, Maynila. Pinaghahampas ng lalaki at ng mga bystanders ang magnanakaw.
Sumigaw ang magnanakaw at sinabing, “Parang awa niyo na, maawa kayo!” Gayunman, patuloy ang sa pambubugbog ang mga bystanders.
Sa pagtatapos ng video, isang babae ang nagsabing, “Tama na ‘yan. Hayaan n’yo na siya makaalis. Sukli ko lang ang kinuha niya.”
Mahaharap si Mendoza sa kasong theft.
-Erma R. Edera