Ang low-cost community cellular networks project ng University of the Philippines-Diliman (UP-D) katuwang ang University of California, Berkeley (UC Berkeley) ang nagwagi sa Information Society Innovation Fund (ISIF Asia) Awards ngayong taon.
Sa joint research project ng UP-D at UC Berkeley makakatawag at makakapag-text sa mas mababang halaga kumpara sa traditional commercial cellular networks. Tinalo ng inisyatiba na pinamagatang “Village Base Station- Connecting Communities through Mobile Networks” o VBTS-CoCoMoNets ang 236 iba pang entries mula sa 28 bansa sa buong Asia para makuha ang ISIF Asia Awards 2018, isang programa na sumusuporta sa malikhaing internet solutions sa development needs sa Asia Pacific para matamo ang positibong social at economic development.
Tatanggap sina VBTS-CoCoMoNets’ project leader Dr. Cedric Angelo Festin ng UP College of Engineering’s Department of Computer Science, at project investigator Dr. Eric Brewer ng UC Berkeley’s Electrical Engineering and Computer Sciences, kasama ang kanilang grupo, ang cash prize na $US3,500 (P185,500).
Tinutugunan ng VBTS-CoCoMoNets ang kakulangan ng mobile phone access sa pagtatag ng community cellular networks (CCNs) sa kanayunan sa Pilipinas. Ang CCNs ay low-power, low-cost 2G base station na nagpapahintulot sa users na makatawag at makapag-text sa mga lugar na hindi naabot ng traditional commercial cellular networks.
Sa ngayon, nakikinabang sa VBTS-CoCoMoNets ang mga sumusunod na liblib na lugar sa Aurora: Barangay Dikapinisan, Sitio Diotorin sa Bgy. Dibayabay, Bgy. Dibut, at Sitio Limbok Sabang sa Bgy. Umiray. Ang mga lugar na ito sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre na nakaharap sa Pacific Ocean, ay tahanan ng ilang katutubo sa lalawigan. Dalawa pang CCNs ang inaasahang itatayo sa katapusan ng taon.
Bukod sa cash prize, nakuha rin ng winners ang travel grant para sa 2018 Internet Governance Forum (IGF) sa Paris, France sa Nobyembre 12 hanggang 14, 2018. Itatampok din ang proyekto bilang bahagi ng Seed Alliance Awards ceremony sa Nobyembre 13, 2018.
-Merlina Hernando-Malipot