HINDI biro ang mga pinagdaanang pagsubok ni Erik Santos noong nagsisimula pa lang siya sa kanyang singing career hanggang sa maging kampeon siya sa Star In A Million.

Erik copy

Idinetalye niya ang kuwento ng kanyang pagsisimula at pagtatagumpay sa nakalipas na 15 taon sa kanyang Erik 15 Years My Greatest Moments concert sa Mall of Asia Arena nitong Sabado.

Pero ngayon ay malaki na ang naging pagbabago sa buhay ni Erik, at nabigyan na niya ng magandang buhay ang buong pamilya niya. Ang sobrang kinikita niya ay nakatabi at ini-invest niya sa negosyong pagkakakitaan na pang-habambuhay.

Pelikula

Julia Montes, naaksidente sa set ng 'Topakk'

Balladeer si Erik kaya hindi kami sanay na marinig siyang mag-RnB at makipagsabayan sa mga kilalang singer ng nasabing genre, gaya nina Jay R, Daryl Ong at Jason Dy, sa awiting Say You’ll Never Go.

Sa kanyang concert ay naalala at pinasalamatan nang husto ni Erik ang unang manager niyang si Boy Abunda, na talaga namang nagtiwala sa kanya.

“Hindi ko malimutan na nag-audition ako sa kanya sa loob ng sasakyan niya, pinakanta niya ako habang may kausap siya,” kuwento ni Erik.

“At siyempre, ang manager ko ngayon at kaibigan na si Erickson Raymundo, salamat sa tiwala at suporta. At kay Jonathan Manalo, na sumulat ng lahat ng original songs ko. Kung wala siya, baka wala akong original songs ngayon. Salamat sa Star Music.”

Ikinuwento rin ni Erik na isa sa mga katuparan ng pangarap niya ay nang ipag-produce siya ng Gift album ni Jim Brickman, saka niya inawit ang My Love is Here.

Ipinarinig din ni Erik ang ilan sa original songs niya ka-duet sina Moira de la Torre (Kung Akin Ang Mundo), Kyla (‘Di Ko Kaya), Yeng Constantino (Paano Ba Ang Magmahal), at Angeline Quinto (Kulang Ako Kung Wala Ka).

Sa pagpapatuloy ng kuwento ng tinaguriang King of Teleserye Theme Songs, kung saan-saang bansa na siya nag-show at halos lahat ng nag-imbita sa kanya ay hinding-hindi puwedeng mawala sa repertoire niya ang awiting naging tatak niya sa loob ng 15 years, ang This Is The Moment, na inawit din niya, at sinundan ng Corner of the Sky at Defying Gravity.

At bilang performer ay hindi lang ang pagkanta ang gustong ipakita ni Erik. Nag-sing and dance rin siya sa awiting Tandaan Mo ‘To.

Most-applauded naman ang pag-awit ni Erik ng mga naging theme songs ng mga top-rated teleserye ng ABS-CBN, ka-duet ang mga music icon na sina Vina Morales (Maging Sino Ka Man), Ogie Alcasid (May Bukas Pa), Jaya (Muling Buksan), Martin Nievera (Magpahanggang Wakas), at Regine Velasquez (Pagbigyang Muli).

Hindi matapus-tapos ang hiyawan ng 90% ng mga tao sa loob ng MOA Arena habang nasa entablado ang limang music icons. Inamin din ni Erik na ang mag-asawang Ogie at Regine ang nag-suggest sa kanya na sa pagdiriwang niya ng 15th year ay kailangang sa nasabing venue siya mag-concert. Milestone kasi ito sa buhay at career ni Erik, at sinunod naman niya ang mag-asawa—pati ang titulo ng kanyang concert ay galing din kay Ogie.

May pa-tribute rin si Erik sa mga paborito niyang balladeers, na inilarawan niya bilang “my musical inspirations while growing up listening to their music.”

Kinanta ni Erik ang Just Once ni James Ingram, Ngayon at Kailanman ni Basil Valdez, A House is Not A Home ni Luther Vandross, Sana Maulit Muli ni Gary Valenciano, Somewhere Down The Road ni Barry Manilow, at Ikaw Ang Lahat Sa Akin ni Martin Nievera.

Siyempre pa, hindi puwedeng hindi niya alayan ng awitin ang mga taong naging saksi at karamay niya sa lahat ng pagpupursige niyang tuparin ang kanyang pangarap, ang kanyang mga magulang. Inialay niya sa mga ito ang I Will Never Leave You, at naging emosyonal pa si Erik habang kumakanta.

Isa sa paboritong awitin ni Erik, ang The Greatest Love, ang isa sa mga highlight ng concert, habang sayawan to the max nang kantahin niya ang Love Never Felt So Good, Sorry, Locked Out of Heaven, Can’t Stop The Feeling at What Do You Mean. Pati na ang stage director niyang si John Prats ay napasayaw na rin habang nagdidirek sa booth.

Sa huli, hindi nakalimutang pasalamatan ni Erik ang lahat ng nakisaya at bumili ng tickets ng kanyang My Greatest Moments concert, gayundin ang mga sponsors niya sa nakalipas na 15 years, ang mga kasamahan niya sa Cornerstone Concerts, at ang musical director niya sa mahabang taon na si Homer Flores.

-Reggee Bonoan