Dalawang lalaki ang pinagbabaril ng riding-in-tandem habang naglalaro umano ng cara y cruz sa Port Area, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Nilalapatan pa ng lunas sa ospital sina Buboy Biando, 26, pedicab driver, na tinamaan ng bala sa kanang hita at kanang braso; at Nico Esperos, 24, barker, na nabaril sa kanang bahagi ng katawan, kanang braso at kaliwang siko, kapwa residente ng 12th Street, Port Area.

Batay sa ulat ni PO3 Ferdinand Leyva, ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5, dakong 7:00 ng gabi at naglalaro ng cara y cruz ang dalawang biktima sa Roberto Oca Street, kanto ng Bonifacio Drive, sa Port Area, nang bigla na lang silang paulanan ng bala ng dalawang suspek, na magkaangkas sa motorsiklong hindi naplakahan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Nagsasagawa na ang pulisya ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, gayundin ang motibo sa pamamaril.

-Mary Ann Santiago