Bilangguan ang binagsakan ng apat na lalaki na pawang trabahador sa pagawaan ng puto matapos silang maaktuhan umano sa shabu session sa Barangay San Roque, Marikina City, Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Dennis Guzman, alyas “Den”, 42; Ryan Fernando, alyas “Ryan”, 21; Geboy Matteo, alyas “Bornok”, 24; at Anthony Causay, 20, pawang residente sa naturang lugar.
Batay sa ulat ng Marikina City Police sa Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong 9:20 ng gabi nang madakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ang mga suspek sa J.P. Rizal Street sa Bgy. San Roque.
Nauna rito, kinukumpirma ng pulisya sa lugar ang sinabi ng isang impormante na may mga lalaking bumabatak ng ilegal na droga.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at binitbit sa presinto ang mga suspek nang maaktuhan umanong gumagamit ng shabu.
Narekober umano mula sa mga suspek ang isang bukas na pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Nakapiit na ang mga suspek sa himpilan ng Marikina City Police at kakasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
-Mary Ann Santiago