MATAGUMPAY na idinaos ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ang Star Awards For Music: A Decade Of OPM Excellence nitong Linggo ng gabi, sa Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.

Bilang pagdiriwang sa isang dekada ng pagbibigay-halaga sa industriya ng musika, sabay na pinarangalan ng PMPC ang 9th (2017) at 10th (2018) Star Awards For Music.

Bilang selebrasyon ng sampung taon ng pagbibigay-pugay sa mga natatanging alagad ng musika, naging mabituin ang gabi ng parangal, na pinaningning ng naglalakihang pangalan sa industriya, tulad nina Gary Valenciano, Martin Nievera, Basil Valdez, Imelda Papin, Freddie Aguilar, at maraming-marami pang iba.

Mula sa hosts na sina Kim Chiu, Xian Lim, Christian Bautista, Aljur Abrenica, at Karylle, pinasigla ang entablado ng magkahalong awitin at sayawan ng Ang Huling El Bimbo cast na sina Tanya Manalang, Reb Atadero, Topper Fabregas, at Boo Gabunada. Andun din sina Iñigo Pascual, Gloc 9, at naghandog naman ng compilation revival medley sina Brenan Espartinez, Laarni Lozada, Renz Verano, Jojo Mendrez, at Sabrina.

Tsika at Intriga

Niligwak daw sa TNT: ABS-CBN, It's Showtime pinaratangang credit crabber dahil kay Sofronio

Umapoy ang dance floor sa sing and dance production number ng Hashtag, habang nakipagsabayan naman si James Reid sa PHD Dancers, at humataw sa dance exhibition si Regine Tolentino.Nagtanghal din ang rap group na Ex Battalion, kasama sina Neil Perez, Ion Perez, Zachzna, Chic Ser, at The Company. Medley of songs ang inawit ng mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragosa, samantalang nangharana ang Concert King na si Martin Nievera sa kanyang spot number.

Nagkaroon din ng tribute para sa namayapa na dating member ng Hotdog na si Rene Garcia, at nag-alay ng Hotdog/VST & Company medley sina John Roa, Clique 5, JV Decena, Joaquin Garcia, Nick Vera Perez, at Allen Cecilio.

Bilang pagpaparangal naman kina Ka Freddie (2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee), Imelda (2017 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee), at Basil (2018 Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardee), nagbigay-pugay sa kanila sina Kris Lawrence, Morisette Amon, at Jed Madela, at inawit ng mga ito ang mga pinasikat ng tatlong iconic singers, ang Anak, Isang Linggong Pag-ibig, at Ngayon At Kailanman.

Para naman sa 2018 Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Awardee na si Mr. Pure Energy Gary Valenciano, inawit nina Martin, Christian Bautista, at Erik Santos ang Narito, Could You Be Messiah, The Warrior Is A Child, Take Me Out Of The Dark, at Sana Maulit Muli.

Ang PMPC Star Awards for Music ay mula sa pamunuan ng kasalukuyang pangulo nito na si Joe Barrameda, mga opisyales at miyembro, at mula sa produksiyon ng Airtime Marketing Philippines ni Ms. Tess Celestino-Howard, sa direksiyon ni Bert de Leon.

Mapapanood ang kabuuan ng show sa Setyembre 23 sa Sunday’s Best ng ABS-CBN, pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.

-Mercy Lejarde