May 26, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Ang groom sa likod ng viral SDE na gumaya kay Sen. Bato

#BalitaExclusives: Ang groom sa likod ng viral SDE na gumaya kay Sen. Bato
Photo courtesy: kuyaedds (TikTok screenshot)

Umani ng higit 400k engagement sa social media ang Same Day Edit (SDE) ng isang groom matapos niyang gayahin ang pakikipag-habulan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa National Bureau of Investigation (NBI) agents kamakailan upang arestuhan siya. 

Sa nasabing TikTok reel, mapapanood na ang groom na si Edrian ang naging impersonator ni Sen. Bato, dahil bukod sa pagiging kalbo, nag-effort siyang tumakbo paakyat sa hagdan habang hinahabol ng kaniyang groomsmen. 

Sa pagtakbo ring ito, nakuha ni Edrian ang pagkakadapa ng senador dahil sa pagkataranta at pagmamadali. 

MAKI-BALITA: SDE ng isang groom, nag-viral dahil sa paggaya nito kay Sen. Bato!

Ikinuwento ni Edrian sa eksklusibong panayam niya sa Balita na katuwaan nila ng kanilang videographer team ang nag-viral ding CCTV clip ni Sen. Bato noong Lunes, Mayo 11, pagkabalik niya sa Senado matapos lumiban ng anim na buwan. 

Trending

SDE ng isang groom, nag-viral dahil sa paggaya nito kay Sen. Bato!

“[B]ale idea lang and katuwaan na din po talaga ng videographer team namin na magshoot ng same na scene po nung nagviral na video ni Sen. Bato sa hagdan,” ani Edrian. 

Para sa personal touch, isinama niya ang linyang, “Ikakasal na kami ni Cindy, kailangan ko nang pumunta sa simbahan” at ang credits sa videography team nila at groomsmen niyang game na game namang sumakay sa kanilang trip. 

“Nag-add lang po ako ng line na “Ikakasal na kami ni Cindy(Bride), kailangan ko ng pumunta ng simbahan” for the funny part ng skit hehe. Credits to “The Xaki Visuals” and sa Team nila. And syempre sa mga groomsmen kong game na game din,” saad ni Edrian. 

Nilinaw naman niyang wala silang intensyong maka-offend sa iba dahil ang kanilang SDE ay pawang “entertainment purposes” lamang at surpresa sa kaniyang bride na si Cindy at kanilang mga bisita. 

“Wala po akong intention na maka-offend na iba. This is purely entertainment lang and surprise na din kay bride at sa mga bisita po namin,” ani Edrian. 

Dahil surprise ang skit na ito, nagulat at natuwa raw si Cindy at ang kanilang guests. 

Hindi rin daw inasahan ni Edrian na magiging viral ang kanilang SDE nang i-post niya ito sa social media. 

“Siyempre natuwa po di bride and mga guest po namin dahil nasurprise din po sila na may paganong skit po sa dulo ng SDE namin,” ani Edrian. 

“Syempre nasurprise din kami nung pinost ko sya sa social media kasi nagviral po talaga siya. Sobrsng dami pong natuwa tho may mga iilan pong hindi(hindi ko po alam lung bakit hehe) pero wala po talaga kaming intention na manira ng ibang tao. Lahat po yun ay katuwaan lang na hindi po namin in-expect na mag-boboom,” dagdag pa niya. 

Bagama’t maraming natuwa online, may mangilan-ngilan din daw silang naging bashers, ngunit dahil ang goal nina Edrian ay mapasaya ang kaniyang asawa, “dedma” na lang siya sa bashers. 

“[H]indi ko din po gets kung bakit may mga hindi natuwa. Last week po kasi para nakita kong si Sen. Bato mismo natutuwa sa mga memes niya,” saad ni Edrian. 

Aniya pa, masaya siyang successful ang kaniyang goal at naging mas memorable pa ang kanilang kasal. 

“Dedma lang din po ako sa mga bashers. Kasi ang main goal ko lang naman po is mapasaya ang asawa ko at maging memorable po yung kasal namin which I think is successful naman ,” masayang saad ni Edrian. 

Sa kaugnay na ulat, may isa ring developer na gumawa ng web game na inspired din kay Sen. Bato at pinangalanan itong “Senate Run.” 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Paghabol kay Sen. Bato sa Senado, may web game na!