Napagdiskitahan ng visual artist mula sa Mandaluyong City na si JP Pining ang logo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa isang Facebook post ni JP noong Lunes, Mayo 25, ibinahagi niya ang bagong disenyo ng DENR logo.
Makikita sa kaniyang bersyong ginawa na ang visual symbol na puno sa logo ay pinagputol-putol.
“Department of Environment and Natural Resources (DENR) inayos ko na po yung logo niyo,” saad ni JP sa caption.
Sabi pa niya sa comment section, “Destroying Environment and Natural Resources.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni JP ang nag-udyok sa kaniya para bigyan ng bagong mukha ang logo ng ahensya.
Aniya, “Hindi nakapagsasalita ang kalikasan, kailangang may magsalita para sa kanila “
Bukod dito, nagpaabot din siya ng mensahe sa DENR na sana—bilang ahensya—ay mas pahalagahan nito ang kalikasan.
“Hindi mapapalitan ng mga itatanim na seedlings ang kahalagahan ng mga naputol na mga puno. Mas pahalagahan ang buhay, kesa tulay,” dugtong pa ni JP.
Matatandaang umani ng batikos ang DENR matapos nilang aprubahan ang pagpuputol ng puno sa Quirino Avenue, Maynila para bigyang-daan ang konstruksyon ng Southern Access Link Expressway Project (SALEX).
Maki-Balita: Caritas PH, tinawag na 'ecological violence' pagpuputol ng puno sa Quirino Avenue
Samantala, sinubukan naman ng Balita na kunin ang panig ng ahensya hinggil dito ngunit hindi pa sila tumutugon.