May 26, 2026

Home BALITA National

PNP, nasa proseso na ng pagtatanggal lisensya ng 100+ baril ni Sen. Bato!

PNP, nasa proseso na ng pagtatanggal lisensya ng 100+ baril ni Sen. Bato!
File Photo

Inihayag sa publiko ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., na sumasailalim na raw sa proseso ang pagtatanggal nila ng lisensya sa mga baril ni Sen. Ronal “Bato” dela Rosa. 

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtugis ng mga awtoridad kay Dela Rosa dahil sa opisyal na inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) noong Mayo 11, 2026, laban sa nasabing senador. 

Nauna na ring ilahad sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Fredderick Vida nitong Martes, Mayo 26, ang pag-apela nila sa PNP para sa pagre-revoke ng lisensya ng mga baril ni Dela Rosa sa lalong madaling panahon. 

KAUGNAY NA BALITA: 'As soon as possible!' DOJ, umapelang tanggalin lisensya ng mga baril ni Sen. Bato

Sa naging tugon naman ni Nartatez sa panayam sa kaniya ng media nito ring Martes, sinabi niyang natanggap na raw nila ang warrant of arrest ng ICC laban kay Dela Rosa kaya raw isa na sa mga aasikasuhin nila ang pagtatanggal ng lisensya ng mga baril ng senador. 

National

May pa-maja blanca at suman: Sen. Lito Lapid pinakilig si Sen. Pia, bumanat ng 'Mahal kita!'

“Since we have received the warrant of arrest. And therefore, we have to look at all the circumstances. One is of course the firearms [of Sen. Bato],” pagsisimula niya.  

Pagtitiyak pa niya, “The concerned office of the PNP is processing for the verification.” 

Ani Nartatez, nasa mahigit 100 daw ang mga baril na nakalisensya kay Dela Rosa ngunit maituturing naman daw na normal ito dahil may iba’t ibang lebel o kategorya ang pagkakaroon ng lisensya ng baril. 

“I think it's one hundred plus. Hindi ko matandaan ‘yong eksakto, one hundred plus,” aniya. 

Giit niya, “He was given the license, puwede naman kasi may mga level ‘yon [at] category.” 

Pagtitiyak ni Nartatez, mabilis na lang na mare-revoke nila ang lisensya ng mga baril ng naturang senador.

“Soon maaano [mare-revoke] na ‘yan. Mabilis lang ‘yan,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Nartatez, malaki raw ang PNP at nagtalaga na sila ng mga magsasagawa ng manhunting kay Dela Rosa. 

“Malaki ang Philippine National Police. Meron tayong kaniya-kaniyang trabaho and I have dedicated trackers, ‘yong manhunting,” diin niya. 

Matatandaang inilahad ni Nartatez noong Mayo 19 na bandang 2:30 ng madaling-araw ng Mayo 14 nakaalis sa Senado at nakatakas sa mga awtoridad si Dela Rosa nang sumakay siya sa Fortuner na puti at may plakang “DAV 1225” na nakarehistro sa pangalan ni Sen. Robin Padilla. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP