Pinabulaanan ni Sen. Lito Lapid ang mga kumakalat na intrigang lilipat na siya sa majority bloc sa Senado, matapos na hindi suportahan ang naging pagtulak ni Sen. Juan Miguel Zubiri na alisin sa tala ng Senado ang tungkol sa umano'y "propaganda video" ni Sen. Imee Marcos, na may kaugnayan naman sa umano'y pinaplanong "Charter-Change" o Cha-Cha.
Sa Senate plenary session nitong Martes, Mayo 26, tahasang sinabi ni Lapid na hindi totoo ang mga kumakalat na tsikang lumipat na siya sa majority bloc.
"Kaliwanagan lang po. Manifestation lang. Tungkol po sa nangyari kahapon, marami pong kumakalat sa social media na ako'y lumipat na sa majority, hindi po totoo 'yon," paliwanag ni Lapid.
"Nananatili po ako sa minority group at hindi po ako aalis dito," aniya pa.
Sunod naman, ipinaliwanag naman ni Lapid ang naging mosyon ni Zubiri tungkol sa video ni Marcos. Aniya, sinusuportahan daw niya ito at hindi lamang nakapagsalita dahil akala niya ay may botohan subalit wala naman daw pala.
"Hiling ko lang po sana sa Senado, magkaisa tayo, iwasan ang bangayan, ang dami nating bisitang pari dito oh, ipagdasal n'yo po kami na magkaisa na kami para maibalik ang dangal ng Senado," paliwanag pa niya.