GENIUS si Jerrold Tarog. Walang kaduda-duda sa kanyang bagong pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral.

Eksena mula sa 'Goyo'

Masterpiece ang Goyo na kinakailangang mapanood ng bawat Pilipino na naghahangad malaman ang mga dahilan kung bakit humantong sa ganito ang kalagayan ng Pilipinas.

Hindi pa tayo katulad ng ibang mauunlad na bansa, gaya halimbawa ng Japan na ina-appreciate ang bawat pinaghihirapang katha ng kanilang pinakamahuhusay na artists, pero dapat na natin silang gayahin upang mapakinabangan ang pinagsusunugan ng kilay ng mga henyo natin.

Tsika at Intriga

McCoy De Leon, Joshua Garcia nagkita sa ABS-CBN Christmas Special?

Ang Goyo ay hindi simpleng pelikula kundi klasikong likhang-sining. Simula sa script, pagganap, camera works, pag-iilaw, tunog at musika, at kabuuang pagkakadirihe, agad na itong napahanay sa pinakamahuhusay na pelikulang Tagalog.

Bilang modern artwork, sinasagot ng Goyo ang napakaraming katanungan sa paraang nakakaaliw o hindi nakakabagot dahil sa bihasang paghawak ng baton ng maestrong direktor.

Nagsimula ang Goyo sa tinapusan ng Heneral Luna. Kritikal ang bahaging ito ng ating kasaysayan, noong umabot na sa sukdukan o tipping point ang pasensiya ng mga Pilipino nang patayin si Jose Rizal, nag-uumpisa nang magkaisa ang mga Pilipino para lumaban sa Espanya, pero naging anti-climactic dahil umentra ang mga Amerikano.

Ginamitan tayo ng divide and conquer strategy ng mga Kano at agad namang nagyarian ang pinakamatatapang sa lahing kayumanggi.

Bahagyang dinaanan at tinalakay ko ang bahaging ito sa huli kong libro—kung bakit nagkayarian sina Hen. Emilio Aguinaldo, Supremo Andres Bonifacio, Hen. Antonio Luna, at Hen. Gregorio del Pilar. Dahil hindi tayo likas na warriors, sadyang payapang lahi ang mga Pilipino, ayaw ng gulo, kaya hindi marunong makipaggiyera. Sa halip na magkaisa, pinapatay ang isa’t isa.

Palasak na ang sinasabi ng historians na lahat ng bansang umunlad ay dumaan muna sa rebolusyon; na wala pang bansang umasenso na hindi muna naligo sa sariling dugo. Pinaliguan ng mga ninuno natin ng sariling dugo ang bawat isa, pero tulad ng inamin ni Apolinario Mabini sa La Revolucion Filipina, na buong layang ginamit sa pelikula, bumagsak ang rebolusyon dahil “para tayong mga bata”.

Hanggang ngayong Third Wave o Information Era at information war na, para pa rin tayong mga bata.May ilang nakapanood nang nagkakamaling ikumpara sa bombastic na Heneral Luna ang Goyo. Palamurang palaban si Luna samantalang reluctant warrior naman si Goyo. Pinag-isipang mabuti ni Direk Jerrold ang kanyang trilogy at ‘tila ihahambing niya ang tatlong pelikula sa growth ng tao.

Sa Heneral Luna, ang umpisa gaya ng lumalaking tao, puro ka pa mura sa mga nangyayari, sa Goyo na estado ng pagbibinata ay romantiko at naghahanap ka ng silbi at kabuluhan sa mundo. Si Manuel Quezon ang gagawan ng film-bio sa huli, na isa nang thinking person.

Hangad ng sinumang henyo na maiahon sa lubluban ng kapalaran ang kanyang mga kababayan. Sa kaso nating mga Pilipino, sa paulit-ulit na pagyayarian ng mga pinakamatatapang ng ating lahi.

Mapalad si Jerrold Tarog sa pagkakaroon ng makabayang producers na gumagastos para isalin sa pelikula ang kanyang malawak na vision bilang filmmaker at bilang Pilipino.

Sasayangin natin ang kanilang malasakit at mga pagsisikap kung hindi natin panonoorin ang kanilang pelikula.

-DINDO M. BALARES