PINALAGAN ni KaladKaren Davila, ang gay impersonator ng news anchor na si Karen Davila at Jervi Li ang tunay na pangalan, ang naranasan niyang diskriminasyon kamakailan nang hindi siya papasukin, kasama ang kanyang mga kaibigan, ng bouncer ng isang bar sa Makati City, dahil sa pagiging bakla nila.

“Bawal ang bakla,” salubong umano sa kanila ng bouncer.

Dahil dito, ipinost ni KaladKaren ang video ng pakikipag-usap niya sa bouncer ng bar nitong Linggo, August 26.

Tinukoy din ni KaladKaren sa kanyang tweet ang bar, ang H&J Sports Bar and Restaurant sa Poblacion, Makati City.

Vice Ganda kapag sinayawan ni Jackie: 'Baka masampal ko 'yan!'

Maririnig ang usapan nina KaladKaren at ng bouncer.

Sabi ng impersonator sa bouncer: “You have to explain it to us kasi you are denying us entry and it’s our right to get into a pub.”

“Iniutos lang naman sa akin, Ma’am, kaya ‘wag kayong ma-offend,” sagot ng bouncer.

“Nao-offend kami because that’s discriminating people like us. Now i-explain mo sa akin kung ano ang hindi puwedeng pumasok.”

“Hindi nga muna ngayon...”

“Alin nga ang hindi pwedeng pumasok, ang...”

“Bakla,” sagot ng bouncer.

“Like bakla... transgender, lady boy, ganun?”

“Hindi nga muna ngayon,” ulit ng bouncer.

Maririnig ang kasamahan ni KaladKaren na sinabing may mga bakla sa loob ng bar, pero sumagot ang bouncer na wala nang bakla sa loob.

Sa sumunod na tweet ni KaladKaren, nanawagan siya sa mga kapwa miyembro ng LGBTQ community kung bakit kailangan nilang protektahan ang isa’t isa.

Sa thread, may isang netizen (@gelogallardo) na nag-post ng screenshot ng pakikipag-usap niya sa isang disc jockey (DJ Izza) ng bar via private messaging, upang kumpirmahin ang insidente.

Sa isang screenshot, mababasa ang sagot ng kampo ng bar na kukumpirmahin daw nila ang insidente.

Sagot pa ng DJ: “If you can see naman po sa mga pictures every week, we welcome and party with all gender. We’ll make sure to clarify this issue, once we already have the information. Thank you.”

Sinabi pa ng taga-bar na mayroon din silang gay DJ na hina-hire sa bar at sinabing kaklaruhin nila ang isyu.

Sa sumunod na screenshot, sinabi ni DJ Izza na nag-message siya kay KaladKaren at ipinaliwanag kung bakit tumanggi ang bouncer na papasukin sila sa oras na iyon.

Humingi rin ng paumanhin ang DJ kay KaladKaren: “If you felt na you were discriminated by the management bec of the incident with the bouncer.”

Kasunod ito, ipinarating ng DJ ang katwiran ng management kung bakit hindi pinapasok ang grupo ni KaladKaren nang mga oras na iyon.

“Last Saturday night, there’s an incident daw na one of the customers lost his wallet. And ang mga naki-share daw sa table are gays.

“So nagkataon lang po siguro na they stopped allowing entry muna sa gay, kasi mainit pa daw po ‘yung issue sa loob and inaayos pa po.”

Muling humingi ng sorry ang DJ kung na-offend man daw ang grupo ni KaladKaren sa pagtanggi ng bouncer.

“But I clarified with our management. And all gender are still welcome sa H&J and will always be. We have regular gay customers as you can see din po sa page ng H&J.”

Pagkatapos nito ay inimbitahan ng DJ ang grupo ni KaladKaren sa bar upang personal daw itong makapag-sorry dahil sa miscommunication.

-ADOR V. SALUTA