MAHIGIT dalawang dekada na pala ang Bantay Bata 163 ng ABS-CBN Foundation, na itinatag ni Ms Gina Lopez, kasama ang iba pang proyekto ng network, tulad ng Sagip Kapamilya at Bantay Kalikasan.

Base sa aming pagtatanong, umabot na raw sa mahigit 200,000 batang biktima ng pang-aabuso ang nasagip at natulungan ng Bantay Bata 163 sa mahigit dalawang dekada.

Nang magretiro na si Ms Gina ay humalili sa kanya si Ms Susan Afan, hepe ng ABS-CBN Foundation, at ang broadcast-journalist at TV host na si Jing Castañeda-Velasco as program director ng Bantay Bata 163.

Base sa kuwento ni Ms Winnie Cordero sa mediacon kamakailan para sa re-launch ng Children’s Village ng Bantay Bata 163 sa Norzagaray, Bulacan, hindi magtatagal at magiging successful ang proyekto kung wala ang tulong mula sa donors, volunteers staff, at social workers.

Relasyon at Hiwalayan

Selos, nakakabuti nga ba sa isang relasyon?

“Sa 21 years po ng Bantay Bata 163 ay maraming bata na tayong nasagip at natulungan, at nabuksan din ang tinatawag na Children’s Village, half-way house para dalhin ang mga batang nasasagip. Dito rin inaalagaan ang mga bata bago sila ibalik sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Winnie.

Sa nasabing re-launch ay kasamang humarap ni Ms Jing sina ang psychologist na si Ms Estrelitta Turingan (Department of Social Welfare and Development-National Capital Region); at ang social worker ng Bantay Bata 163 na si Ms Dale Jimenez.

Nagkaroon ng re-launch ang Children’s Village, na binuksan noong 2003 at noong 2014 ay kinailangang ipaayos dahil niluma, bukod pa sa dinagdagan ng bagong facilities para mas lalong gumanda sa paningin ng mga batang pansamantalang doon nakatira. Ngayong 2018 ay muling binuksan ang Children’s Village.

Ang mga batang nakatira roon ay dinala sa iba’t ibang government institution, at ngayon ay nagsibalik na sa Children’s Village.

“Sa kabutihan ng ating mga donor at katuwang na organisasyon, tulad ng local government ng Quezon City, sa pangunguna nina Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte, ay mabibigyan na ng Bantay Bata 163 ng mas magandang tahanan ang mga batang nakaranas ng pang-aabuso at nangangailangan ng ating pagmamahal, pag-unawa, at pangangalaga para makamit nila ang magandang kinabukasan,” kuwento ni Ms Jing.

Katuwang ng Bantay Bata 163 ang Quezon City government sa operational expenses ng Children’s Village.

Kuwento pa ng program director, kayang alagaan ng Children’s Village ang hindi bababa sa 120 batang dumanas ng pang-aabuso, pisikal at sikolohiokal, at makaramdam ng pagmamahal ng isang pamilya. Nakaantabay sa kanila ang mga social worker, health care professional, at house parent sa complex sa Norzagaray.

Sa mahigit na dalawang ektaryang lupa ng Children’s Village ay mayroong meditation room, music room, arts and crafts room, library, at eskuwelahan para sa maliliit na bata na hinahatid at sinusundo naman ng mga batang mas nakatatanda.

Humarap din sa mediacon ang isa sa mga scholar ng Bantay Bata 163. Nasa ikatlong taon na ngayon sa kolehiyo si Len, na kumukuha ng kursong edukasyon dahil gusto niyang magturo sa mga bata.

Si Len ay bunga ng incestuous relationship ng kanyang lolo sa kanyang ina—na 12-anyos lang nang magsilang sa kanya. Sa kalituhan, iniwan siya ng kanyang ina sa bahay ng kanyang lolo.

Ayon kay Len, nagpatulong ang kanyang mga tiyahin sa DSWD para makuha siya mula sa poder ng lolo niya, na siya ring tatay niya.

“Tatlong taon po ako nu’ng kinuha ako ng DSWD sa bahay namin at lumabas ako sa DSWD, mga pitong taon na po ako,” kuwento ni Len. “Okay naman po ako noon, may mga naging kuya at ate ako roon. Magkakasama kaming kumakain at nagdarasal. Nakaramdam ako na may pamilya ako, may tinatawag na kapatid, tinatawag kang nanay (volunteers parent). Doon ko naramdaman na parang kumpleto ako.

“Nung pitong taong gulang na po ako, kinailangan ko na pong umalis at napunta ako sa mga tiyahin ko, palipat-lipat ako. Hindi po naging maganda ang karanasan ko, mas okay pa noong nandoon ako sa bahay-ampunan (DSWD) kasi naramdaman kong may pamilya ako. Kaysa sa mga naging kadugo na ang turing naman ay kasambahay. Okay naman po na maging kasambahay ako, pero ‘yung sinasaktan ka pa, doon nawala ‘yung ano (respeto) sa sarili ko,” kuwento pa ni Len.

Nagpalipat-lipat sa mga kaanak si Len pero iisa raw ang trato sa kanya ng mga ito, samantala nairaos niya ang pag-aaral sa elementarya at high school sa tulong ng kanyang mga guro at kaklase.

Nabanggit din ni Len na hinahanap at gusto niyang makilala ang kanyang ina, habang nilinaw din niyang napatawad na niya ang kanyang lolo-tatay.

Nanawagan din si Len sa mga magulang na huwag sasaktan ang kanilang mga anak, dahil bukod sa nakararamdam ng trauma ang bata, ay nawawalan din ng self-confidence.

Umapela rin si Len sa publiko na tumulong sa Children’s Village dahil maraming batang tulad niya noon ang nangangailangang magsimulang muli sa buhay pagkatapos ng sinapit na pang-aabuso.

-Reggee Bonoan