“CONGRATULATIONS, ang galing mo!”
Ito ang narinig naming pagbati ni dating ABS-CBN President, Ms Charo Santos-Concio, kasama ang kapatid na dating ABS-CBN Chief Operating Officer Ms Malou Santos, kay Christian Bables pagkatapos nilang mapanood ang pelikulang Signal Rock sa pagbubukas ng 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino nitong Miyerkules, na Trinoma Cinema 5.
Sobrang nagpasalamat si Christian kay Ms Charo at namumula na ang mga mata sa pagiging emosyonal sa rami ng bumati sa kanya.
Kasama rin si Ms Roselle Monteverde-Teo sa binati ng dalawang dating TV executive at siyempre si Direk Chito Roño.
Matagal naming nakitang nag-usap sina Ms Charo, Ms Roselle, at Direk Chito. Pinag-uusapan kaya nila ang bago nilang project?
Puring-puri ng lahat ng celebrities na dumalo sa premiere night ang pelikulang idinirek ni Chito Roño, at naintindihan na kung bakit passion project niya ito, dahil gusto niyang ipakita ang mahirap na pamumuhay ng mga tao sa Biri, Samar, pero nagtutulungan kapag may nangangailangan at halos lahat ay magkakaibigan.
Lahat ng nagsiganap sa Signal Rock ay mahuhusay; at kahit maliit ang mga papel ay markado naman, kaya hindi puwedeng sabihing “puwede namang hindi na siya isama”, o ‘yung mga tinaguriang “extra”.
Mabait at masunuring anak ang karakter ni Christian bilang si Intoy, na halos lahat ay siya ang nilalapitan para hingan ng tulong o kung may ipahahatid na balita.
Mahina ang signal sa nasabing isla, kaya parating nasa mataas na lugar si Intoy, gamit ang lumang Nokia 6610 na may tinidor pang antenna, para makausap ang Ate Vicky niyang nasa Finland, na ang gamit na boses ay kay Judy Ann Santos.
Kasintahan naman ni Christian si Elora Espano, na gusto ng amang sa Maynila magtrabaho para makatisod din ng foreigner tulad ng nangyari sa ibang kadalagahan sa isla.
Kaya pala nagkakatuksuhan sa presscon ng Signal Rock noon sina Christian at Elora, dahil may love scene sila at may pumping talaga.
Komento nga ng isang katoto: “Anong nangyari kay Elora, naging sexy star na?”
Kasi naman katatapos lang din panoorin si Elora sa pelikulang You, Me and Mr. Wiggle sa 14th Cinemalaya, na may pumping scene rin siya kasama ang hubo’t hubad na si Kiko Matos.
May pakiusap naman ang isa sa cast na si Nanding Josef pagkatapos ng screening na sana panoorin ito ng lahat, lalo na ‘yung may mga kaibigan sa probinsiya, para hindi sila matanggal kaagad sa sinehan.
“Kung may mga kaibigan po kayo sa probinsiya, pakitawagan naman po. Sabihin n’yo po i-request na ipalabas sa probinsiya sa maraming sinehan. Sa probinsya kasi po baka (matanggal kaagad), kasi mas maraming popular stars sa ibang pelikula na magaganda rin naman baka po hindi kami ipalabas sa probinsiya,” pakiusap ni Nanding.
Anyway, mahusay na aktor talaga si Christian Bables, kaya kung siya ang mananalo sa 2nd PPP Film Festival awards night ay hindi kami magtataka dahil deserving siya.
Samantala, nakakuha naman kami ng ranking ng mga pelikulang nagbukas nitong Miyerkules. As of 5:00 pm nang araw na ‘yun ay nangunguna sa takilya ang The Day After Valentine’s, na dapat lang sigurong manguna siya dahil mahigit sa 100 sinehan nationwide ito ipalalabas.
Sinundan ng Unli Life ng Regal Entertainment, na sinasabi ng lahat na mas maganda kaysa huling pelikula ni Vhong Navarro na Woke Up Like This.
Ikatlo ang Ang Babaeng Allergic sa WiFi, na komento ng mga nakapanood ay ang gaganda ng shots, makinis, at pang-Millenial.
Pang-apat naman ang We Will Not Die Tonight ni Erich Gonzales na feeling namin ay na-curious ang lahat kung bakit unang binigyan ito ng R-18 na ngayon ay R-16 na, at sa madalas naikuwento ng aktres na buwis-buhay siya sa pelikula dahil ilang beses siyang nakuryente at hindi siya nagpa-dobol, kasi nga stuntwoman ang papel niya.
Nasa panglima naman ang Bakwit Boys na pakiramdam namin ay hahataw ito kapag napanood ng mga kaibigan ni ganito o ni ganyan, dahil maganda ang kuwento nito. Word of mouth, ‘ika nga.
Nasa ikaanim na puwesto ang Madilim ang Gabi at wala kaming naririnig tungkol dito, sino nga ba ang mga bida rito? Bakit wala rin kaming nababasang press releases?
Pampito ang Pinay Beauty. Maganda ang mensahe ng pelikula na dapat makuntento na lang kung anong ibinigay ng Diyos at huwag nang ipabago pa. Mahusay ang lahat ng nagsiganap, pero medyo malabo lang sa amin si Maxine Medina kasi kitang-kita na talagang super effort siya sa pag-arte, pero waley pa rin. Baka puwedeng mag-workshop muna siya?
Pang-walo ang Signal Rock na nakahihinayang dahil ang ganda ng pelikula at ang galing ng lahat ng artistang kasama. Parang walang lulugaran ang mga artistang hindi marunong umarte sa pelikula ni Direk Chito, ha, ha, ha!
-REGGEE BONOAN