Ni ANNIE ABAD

WALANG prediksyon ang Chef de Mission para sa kampanya ng Team Philippines at sa kabila ng huling hirit para kay Jordan Clarkson na tinabla ng NBA, puno ng pagbati at kumpiyansa ang pabaon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez para sa mga atletang sasabak sa 18th Indonesia Asian Games sa Jakarta at Palembang.

Opisyal na magbubukas ang quadrennial meet sa tradisyunal na parada sa Agosto 18, ngunit magsisimula na ang aksiyon sa Agosto 16, kabilang ang laban ng Philippine men’s basketball laban sa Kazakhstan.

Urong-sulong ang mga opisyal ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) hingil sa paglahok ng Nationals, ngunit sa huli’y nanaig ang hirit ng sambayanan at nabuo ang isang koponan na halos isang linggo lamang nakapaghanda.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Ang tyansa na makama si Clarkson ng Cleveland Cavaliers ay natuldukan sa opisyal na pahayag ng NBA nitong Linggo.

Sa kabila nito, iginiit ni Ramirez na walang dapat ikahiya.

Ayon sa PSC chief, hindi biro ang hirap at sakripisyo na pinagdaanan ng mga atletang Pinoy sa kanilang paghahanda para sa nasabing quadrennial meet, kaya naman nararapat lamang ang isang pagpupugay ang ipabaon ng mga mamamayang Pilipino bilang inspirasyon.

“Alam po namin na sa bawat sandali sa inyong pag eensayo sa bawat kompetisyon, sa inyong talino sakripisyo at tapang ay hindi mapapantayan nino man. Pinagmamalaki po namin ‘yan,” pahayag ni Ramirez na kasamang nagprisinta sa delegasyon kay Pangulong Duterte sa ginanap na send-off kahapon sa Malacanang.

Bayani pa rin na ituturing ang mga atletang Pilipino kahit na anuman ang maging resulta ng kampanya sa Asiad.

“Kung ano po ang maging result ng kompetisyon, kayo po ay aming mga bayani, lubos po ang aming pagdarasal at pagmamahal para sa inyong lahat. Laban atletang Pilipino!” aniya.

Kabuuang 272 atleta ang kabilang sa delegasyon na maghahangad na malagpasan ang isang ginto, tatlong silver at 11 bronze medal na napagwagihan may apat na taon na ang nakalilipas.

Hindi naman itinago ni Clarkson ang pagkadismaya sa naging desisyon ng NBA.

“I am terribly disappointed to say that I have not received the required consent to participate in the upcoming Asian Games with our National Team. Although I will not be there in person, I will be with my Gilas teammates in heart and in spirit,” pahayag ng 26-anyos Fil-Am sa kanyan g social media account.

“Despite this, my desire and ambition to play with my countrymen in the future remains resolute and i am adamant that this dream will come true. PUSO!” bahagi ng kanyang pahayag sa kanyang Facebook account.