SA kabila ng maipagmamalaking pagtatamo ng ating bansa ng siyam na medalyang ginto sa katatapos na ASEAN Schools Games (ASG) na ginanap kamakailan sa Malaysia, hindi tayo dapat tumigil sa pagpapaunlad ng sports o palakasan, lalo na sa mga kabataan. Kailangan ang mistulang paggalugad sa iba’t ibang sulok ng kapuluan, lalo na sa mga kanayunan na natitiyak kong maaaring panggalingan ng mga ‘potential gold medalists’.

Bagamat pang-anim lamang tayo sa naturang 2018 ASG, naniniwala ako sa paninindigan ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) hinggil sa patuloy na paghikayat sa ating mga kabataan na maging aktibo sa sports: “This success is not the ending... in fact, this is just the beginning.” Nangangahulugan na ang naturang ahensiya ng pamahalaan ay hindi titigil sa pagtuklas ng mahuhusay na manlalaro sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Bilang paghahanda naman ito sa 2019 ASG na nakatakdang idaos sa Semarang, Indonesia.

Sa gayong mga pagsisikap, marapat na pagtuunan ng pansin ng DepEd ang kagila-gilalas na pagkapanalo ni Clark Kent Apuada – isang 10-year-old Fil-Am (Filipino American) swimmer na nanguna kamakailan sa 100m butterfly sa Far West International Championship. Isipin na lamang na sinira niya ang record ni Olympic superstar Michael Phelps – ang 23-time Olympic gold medalist. Si Apuada ang nanalo sa 10-and-under 100m butterfly sa oras na 1:09.38 – mahigit na isang segundong mas mabilis kaysa sa record ni Phelps sa gayon ding event sa California noong 1995. Ang kahanga-hangang tagumpay na ito ni Apuada bilang Phelps record breaker ay isang makabuluhang inspirasyon hindi lamang sa DepEd kundi sa ating lahat.

Naniniwala ako na marapat ding maging bahagi ng mga pagsisikap ng DepEd ang tinatawag na grass-roots effort sa pagtuklas ng mga potential medalist sa sports. Hindi kalabisang pamarisan ang matagumpay na Gintong Alay na napatunayang epektibo sa pagsasanay ng mga atkleta sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Hindi natin malilimutan sina Lydia de Vega at marami pang iba na nagbigay sa atin ng mga karangalan sa mga regional at international competitions. Si Lydia, halimbawa, ay tinanghal na Sprint Queen of Asia noong kanyang kapanahunan.

Higit sa lahat, kailangang pagsikapan ng DepEd ang pagkikintal ng tunay na kahulugan ng pagkamaginoo o sportsmanship sa lahat ng kompetisyon. Hindi dapat mabahiran ng pakikipagbangayan ang ating mga manlalaro – tulad ng paminsan-minsang nasasaksihan natin sa PBA at NBA games na halos magbasagan ng mukha ang mga atleta.

-Celo Lagmay