Pinagtibay ng Supreme Court ang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong 2015 na kumakatig sa desiyon ng Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court na nagkasala ang tourist guide at aktibistang si Carlos Celdran ng paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code.
Ibinasura ng SC First Division ang apela ni Celdran na baliktarin ang desisyon ng CA laban sa kanya.
Sa pasya noong Marso 21, 2018 sinang-ayunan ng SC ang desisyon ng CA noong Disyembre 2014 at resolusyon noong Agosto 2015 na guilty si Celdran sa pangungutya, pag-insulto sa simbahan at pananakit sa damdamin ng mga taga-simbahan, nang magdala siya ng plakard sa loob ng Manila Cathedral noong Setyembre ng 2010 na may nakasulat na “Padre Damaso”. Ipinoprotesta noon ni Celdran ang diumano’y pakikialam ng simbahan sa mga usaping panggobyerno partikular sa reproductive health bill.
Hinatulan ng RTC si Celdran ng hanggang 1 taon, isang buwan at 11 araw na pagkakakulong.
-Beth Camia