July 15, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITanaw: Ang unang pagputok ng Mount Pinatubo matapos ang 500 taon!

BALITanaw: Ang unang pagputok ng Mount Pinatubo matapos ang 500 taon!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Eksaktong 35 taon na ang nakalipas noong Hunyo 12, 1991, nang malakas na sumabog ang Mount Pinatubo at itinuring bilang isa sa naging pinakamalakas na terrestrial volcanic eruption sa ika-20 siglo. 

Ayon sa tala ng Asian Disaster Reduction Center, muling naging aktibo ang Mount Pinatubo matapos ang mahigit 500 na taon nitong dormant volcano o pagtulog. 

Matatandaang umabot sa taas na 22 na milya at lawak na 300 milya ang naging pagsabog ng mga abo ng Mount Pinatubo dahilan para mistulang gawing gabi ang umaga sa malaking bahagi ng Central Luzon noon. 

Anila, naitala pa nga raw na umabot maging sa karagatan ng bansang India ang ilang ibinugang abo ng Mount Pinatubo at magkaroon ng epekto ang inilabas nitong aabot sa 20 milyon na sulfur stratosphere sa buong mundo. 

Tumagal ang naturang pagsabog ng Pinatubo sa loob ng tatlong araw mula sa Hunyo 12 hanggang Hunyo 15, 1991. 

BALITAnaw

#BALITAnaw: Bakit nanalo ang Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling sa WPS kontra China?

Batay sa tala ng mga awtoridad noon, aabot umano sa humigit-kumulang 800 ang bilang ng mga nasawi dahil sa naturang pagsabog ng Pinatubo. 

Anang Asian Disaster Reduction Center, pumalo 364 na mga barangay at 329,141 naman na mga pamilya ang naitala nilang naapektuhan ng naganap na pagputok ng Pinatubo noon. 

Anila, aabot raw sa 81,654 na kabuuang bilang ng mga bahay ang literal na nasira at naapektuhan dahil naturang trahedya. 

Bukod pa rito, nagkaroon din ng malaking epekto ang pagsabog ng Pinatubo sa iba’t ibang mga sektor at ahensya ng gobyerno. 

Saad nila, umabot daw sa kabuuang tala na 12,4989 ang nagkaroon ng sectoral damage at production losses mula sa mga sektor ng public infrastructure, agrikultura, mga pasilidad ng mga militar, trade and industry, natural resources, at foregone income sa trade and industry. 

Dahil sa naturang pagsabog ng Pinatubo, tumagal ang naging epekto nito Pilipinas at maging sa buong mundo sa loob ng ilang mga taon at maging sa lumipas na dekada mula noong 1991. 

Matapos nito, muli pang pumutok ang Pinatubo noong buwan ng Agosto 1992 at kumitil ng aabot sa 72 na mga indibidwal. 

Sa kasalukuyan, nanatili namang “dormant” o normal ang Pinatubo at hindi nakikitaan ng senyales sa muli nitong pagputok.