BANGKOK – Mas mabagsik na Philippine Gilas Team ang natunghayan nang basketball fans matapos pulbusin ng Nationals ang United Arab Emirates, 92-49, para sa ikalawang sunod na panalo sa 2018 Fiba Under-18 Asian Championship Lunes ng gabi sa Bangkok Thai-Japan Youth Center sa Thailand.
Ratsada si Fil-Nigerian AJ Edu sa naiskor na 16 puntos, tampok ang 12 sa first half kung saan nakaabante ang Pinoy sa 29-14 bentahe. Tulad sa unang laro laban sa Lebanon, 75-53, nakuha ng Nationals ang dominasyon sa boards, 66-26, at paint, 40-22, para sa pinakamatangkad na koponan na nabuo sa bansa.
Nag-ambag ang 7-foot-1 na si Kai Sotto ng 14 puntos at walong rebounds, habang kumana si Raven Cortez ng 13 boards at anim na puntos.
Target ng Nationals na makopo ang solong liderato sa Group B sa pagharap sa mighty China Martes ng gabi ganap na 6:45.
Sa tindi ng depensa, hindi nakapuntos ang UAE sa unang anim na minuto ng laro tungo sa pagkopo ng Nationals sa panalo.
Nanguna si Mohamed Mahmoud Asad Ahmed Alhashmi sa UAE (0-2) na may 18 puntos at tatlong rebounds.
Iskor:
PHILIPPINES (92) – Edu 16, Sotto 14, Amsali 13, Torres 12, Panopio 7, Abadiano 6, Cortez 6, Lina 6, Ramirez 5, Oczon 3, Chiu 2, Ildefonso 2.
UAE (49) – Alhashmi 18, Albreiki 11, Hussein 8, Ablooshi 4, Abloushi 4, Almaeeni 4, S. Alhammadi 0, Alhosani 0, Alketbi 0, Alsawan 0.
Quarters: 29-14, 50-31, 69-41, 92-49.