MGA teleserye at reality show na sumasalamin sa kwento ng mga Pinoy ang dapat na abangan ng mga manonood mula sa ABS-CBN ngayong taon, ayon sa The Front Row Experience trade event ng network na ginanap nitong Agosto 2 sa Marriott Hotel.
Bibigyan ng ABS-CBN ng pagkakataon ang mga gustong makamit ang kanilang mga pangarap sa Star Hunt, ang grand audition show na hahanap sa susunod na big Kapamilya star. Magbabalik-telebisyon naman ang pinakamatagumpay na reality series sa bansa, ang Pinoy Big Brother, habang isang orihinal na game show naman ang magbibigay sa mga bata ng kapangyarihan bilang mga hurado sa The Kid’s Choice.
Mga kwentong kakikiligan at kapupulutan ng inspirasyon naman ang handong ng Primetime Bida. Nangunguna rito ang pinakamapusok na teleserye ng taon, ang Halik na mapapanood na sa Agosto 13 na pinagbibidahan nina Jericho Rosales, Sam Milby, Yen Santos, at Yam Concepcion.
Kaabang-abang din ang Ngayon at Kailanman nina Joshua Garcia at Julia Barretto, ang Playhouse nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo, ang pagbabalik-telebisyon ni Judy Ann Santos-Agoncillo sa Starla, at ang inaasam na pagpapalabas ng bagong Meteor Garden sa Agosto 20.
Ibinibida nina Anthony Taberna at Jorge Cariño ang kwento at karanasan ng mga ordinaryong Pilipino sa Pareng Partners na nagsimula nang ipalabas noong Hulyo 28.
Eksklusibo namang mapapanood ang lahat ng kaganapan sa red carpet ng mas pinalaking ABS-CBN Ball 2018: Share the Love sa Metro channel.
Ipinakita rin sa trade event ang handog ng Star Cinema na The Hows of Us ng KathNiel at Exes Baggage na pagbibidahan ng mag-ex na sina Angelica at Carlo Aquino mula sa Black Sheep, isa sa mga pinakabagong brands ng ABS-CBN Films.
Naibahagi rin ang mga milestone ng ABS-CBN pagdating sa digital shift, kabilang na ang pagdadagdag ng limang bagong channels sa ABS-CBN TVplus at ang pagkakaroon ng network ng sampung milyong subscribers sa Youtube.
Bagamat malayo na ang narating ng ABS-CBN sa digital media ay hindi nito isinasantabi ang mga pagbibigay ng makabuluhang experiences para sa mga tagasubaybay nito, ayon sa ABS-CBN Integrated Sales head na si August Benitez. Para maihandog ito, naglulunsad ng mga proyekto ang Kapamilya network, kabilang na ang on-ground events sa loob at labas ng bansa, at ang pinakahihintay na pagbubukas ng Kapamilya Studio XP sa TriNoma.