MATAGAL na naming napapanood ang matangkad at magandang babaeng aktres na karamihan ay sa indie movies itinatampok. Hindi namin alam ang pangalan niya, hanggang sa nalaman naming siya pala si Che Ramos-Cosio, asawa ng aktor na si Chrome Cosio, nang ipakilala siya sa amin sa launching ng CleverMinds, Inc. na pinamumunuan nina Omar Sortijas at Derrick Cabrido.
Parehong scholar sa Tanghalan Pilipino ang dalawa, na noo’y binata’t dalaga pa sila, hanggang sa ikinasal at nabiyayaan ng anak na babae na limang taong gulang na ngayon.
Inamin ni Che na apat na taon ang tanda niya sa asawang si Chrome.
Masaya ba sila na pareho silang artista?
“Noong una duda kami. Ha, ha, ha. Tanong ko sa kanya, ‘kaya ba natin ‘to?” sabi ni Che, na aminadong selosa.“Ang daming babaeng mas maganda. Noong una po mayroon akong pinagseselosan, ngayon wala na. Tapos naisip ko, okay lang (bahala ka).”
Sino ang mas malaki ang talent fee?“Ha, ha, ha! Aaminin ba natin ‘yan (sabay tingin kay Chrome). Ako po, kasi mas matanda ako (nauna sa showbiz). Kasi nagpepelikula na ako noon, Santa-Santita pa. Originally si Julia Clarete na pinalitan at naghanap sa teatro tapos ako po ‘yun.”
Napapanood din namin si Che sa mga commercial, at ang unang pelikulang nagawa raw niya ay ang Pandanggo (2006) mula sa Cinema One.
“They needed a dancer po that time. More than a dancer than an actor. Dati po kasi akong miyembro ng Powerdance ni Douglas Nierras,” pagbabalik-tanaw ng aktres.
“Tapos po si Jerrold Tarog, after (Santa-Santita), tinawagan ako kaya ang bulk ng independent films ko kay Jerrold Tarog. Medyo paborito niya ako, like Mangatyanan(2009), isinulat niya for me. Tapos Senior Year (2010). Reunion po namin ‘tong Goyo.”
Si Hilaria, na love interest ni Goyo o Gregorio del Pilar, ang karakter ni Che sa big budgeted film ng TBA Studios at Globe.
“Mas maganda ako 10 times. Ha, ha, ha! Actually po si Jerrold, gusto niya hawig sa karakter.
“I considered ‘Goyo’ na biggest break ko kasi mas hinog ako ngayon, good roles po (naman) before pero hindi ganoon (kabigat) because I was working independently, wala akong manager, I would just do the work.
“Before actually, I tried to get a manager, parang ridiculous nothing to manage, I was starting out. I was satisfied with the offers. Independent films were strong that time,” pahayag ng aktres.
Hanggang sa nakilala niya si Omar Sortijas ng CleverMinds, Inc.
“Sabi ko nga ang manager parang jowa na kailangan kasundo mo.”
Humirit si Chrome: “Parang nanay si Derrick (Cabrido) at saka si Omar.”
Aminado ang mag-asawa na iba talaga kapag may manager ang artista dahil sila ang nakikipag-negotiate, napangangalagaan sila at naaayos ang schedules.
Samantala, napanood naman si Chrome sa seryeng Since I Found You, bilang bayaw ni Piolo Pascual, at asawa ni Isabel Oli.
“Bale nag-guest lang po kasi si Isabel, buntis naman talaga in real life, so ang kuwento nag-abroad po kami,”say ni Chrome.
May cameo role rin si Chrome sa katatapos na The Stepdaughters, at sa mga pelikula naman ay napanood siyan sa Halik sa Hangin (2015), Beauty and the Bestie (2015), Maria Leonora Theresa (2014), Momzillas (2013), at indie films na ‘yung iba.
“Kasama rin po ako sa Asuang for Cinema One Originals (Rayn Brizuela, direktor), baka mag-shooting na po kami anytime soon,” sabi pa niya.
Makulit sina Che at Chrome kaya tinanong namin kung sino ang mas naughty sa kanilang dalawa at mabilis na sumagot ang aktres ng, “Siya (Chrome). Kita naman ‘di ba? Tatahi-tahimik.”
Komedyana si Che at inamin niyang gusto rin niyang makakuha ng papel na nagpapatawa siya.
“Pangarap ko po talaga ‘yan. Kasi noong bata ako lagi akong pinaiiyak na hindi naman tumutulo (luha) lagi. Pero totoong babaeng bakla ako,” natawang sabi ng aktres.
“Sa theater kasi, minsan gusto nilang umiiyak, iba ang medium kasi sa TV. Sa theater kasi kita na,” sabi naman ni Chrome.
“Ang mga Pilipino hindi tayo iyakin, huh. Last resource mo ‘yan, hindi ka basta iiyak. Or you go to a private place, you don’t revel it, we controlled,” ani Che.
Pangarap ni Chrome na maging direktor.
“Gusto ko ma-experience si Lav Diaz. Sa artist siguro mga legend like Eddie Garcia. Nakatrabaho ko na si Gary Estrada sa Stepdaughters recently lang. Marami, eh.”
Para kay Che, isa lang ang gusto niyang makatrabaho: “Papa P (Piolo Pascual), kasi ang pogi niya, ha, ha, ha.”
May cameo role si Che sa Playhouse serye nina Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban na eere palang. Gaganap siyang abogado ni Angelica.
Gusto naman ni Chrome na makagawa ng action film o serye, para magamit niya ang nalalaman niya sa Muay Thai.
“Gusto ko namang gumawa ng action, ‘yung may physical (scene) kasi hindi lang kami artista I’m into fitness din, gusto kong magamit ang Muay Thai ko. Gusto ko ‘yung Filipino martial arts,” kuwento ng aktor.
Gustung-gusto ni Chrome na mapasama sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin at sana mabigyan siya ng pagkakataon.
Anyway, ang latest movie ni Che ay ang Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon na entry sa 2018 Cinemalaya na idinirek ni Carlo Catu at pinagbibidahan nina Perla Bautista, Menggie Cobarrubias, Romnick Sarmenta at Dante Rivero for Cineko Films.
-Reggee Bonoan