MUKHANG ang reality TV star na si Kylie Jenner ang tataguriang pinakabatang self-made billionaire sa Amerika, salamat sa kanyang patok na patok na cosmetics company, na inilunsad dalawang taon na ang nakalipas, inulat ng Forbes magazine nitong Miyerkules.

Kylie

Inilunsad ni Kylie, 20, half-sister nina Kim, Khloe at Kourtney Kardashian, ang Kylie Cosmetics noong 2016, sa pamamagitan ng $29 halagang lip kits na naglalaman ng matching lipstick at lip liner, at mula noon ay nakabenta na siya ng $630 million halaga ng makeup.

Ayon sa Forbes, halos $800 million na ang kinita ng kumpanya na 100 porsiyentong pagmamay-ari ni Kylie.

Vice Ganda, napikon sa nanay ng batang nagpa-picture sa kaniya?

Dahil sa kanyang mga kinikita mula sa TV programs, endorsements, at after-tax dividends mula sa kanyang kumpanya, sinabi ng Forbes na si Kylie ay “conservatively” worth $900 million. Isa pang taon ng pamamayagpag at siya na ang tataguriang pinakabatang self-made billionaire sa kasaysayan, lalaki o babae, lahad ng magazine.

Unang sumikat si Kylie bilang bahagi ng Keeping Up with the Kardashians reality TV show, kasama ang kanyang ina at mga kapatid.

Sa estima ng Forbes kay Kim Kardashian, na mayroong sariling cosmetics, clothing at mobile games lines, kumita na ito ng $350 million.

Nang kapanayamin ng Forbes, pinasalamatan ni Kylie ang social media dahil nakatulong ito sa paglago ng kanyang kumpanya at sa kanyang tagumpay.

“Social media is an amazing platform,” aniya. “I have such easy access to my fans and my customers.”

-Reuters