“HINDI man po ako naging ambassador ng Pilipinas tulad ng pinangarap ko, pero I’m proud to say na ‘ambassador’ ako ngayon ng International Academy for Aesthetics Sciences (IAAS),” ito ang nakatawang sabi ni Ahwel Paz sa ginanap na contract signing niya.
Aminado ang IAAS executives na sina Dr. Cecil Catapang at Ms Andrea Andal na perpekto si Papa Ahwel bilang ambassador dahil bukod sa pagiging sikat niyang radio host kasama ni Jobert Sucaldito sa programang Mismo sa DZMM, nagustuhan nila kung paano siya nagsumikap sa buhay kaya niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
Isa rin sa mga dahilan kung bakit kinuha si Papa Ahwel ay dahil bumibiyahe siya sa buong Pilipinas.
“Kaya makakarating ang information campaign ng IAAS. May schedule po ako for Davao next week at the following week sa Cebu naman para makarating po sa masa na nangangailangan ng scholarship,” pahayag ng kilalang radio host.
Hindi lang sa Pilipinas mapo-promote ni Papa Ahwel ang IAAS, kundi sa ibang bansa na rin dahil lagi siyang lumalabas para sa World Caravan Tour para sa mga OFW.
Maraming OFW ang namumroblema kung paano nila mapagtatapos ang kanilang mga anak dahil sa kakulangan sa budget. Thru Papa Ahwel ay maihahatid niya ang magandang balita na nag-aalok ang IAAS ng scholarship program.
Ayon kay Dr. Catapang, hindi tumanggap ng talent fee si Papa Ahwel kaya magbibigay sila ng P3 million worth of scholarship para sa walong kursong ino-offer ng nasabing eskuwelahan.
“In fairness to Sir Ahwel Paz, he is not being paid as brand ambassador. All he wants is to give back to the community,” anang IAAS executive.
“Ito ay ang pagbabalik-tulong para sa ating kapwa. Lalapit po tayo at magbibigay po tayo ng scholarship grant, hindi lamang po doon sa mga may medical background gaya ng doctors and nurses. Tayo po ay pupunta mismo sa mga karaniwang tao na hindi makapag-aral at bibigyan natin sila ng P3 million worth of scholarship dito po sa IAAS,” sabi ni Papa Ahwel.
At dahil hindi naman kataasan ang tuition fee ng IAAS ay marami ang makikinabang sa P3 milyon scholarship na ito.
Nag-aalok din ng on-the-job training sa mapipiling estudyante para ipadala sa mga bansang partners’ ng IAAS sa Asya, tulad ng Thailand, Japan at Korea sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
“’Yung training po natin abroad will depend on the students, because it has a fee so hindi mandatory dahil may mga partners naman na tayo dito sa Pilipinas na libre naman din at hindi na kailangang pumunta ng ibang bansa,” sabi pa ng IAAS executive.
Ayon naman kay Papa Ahwel ay isasabay niya sa ginagawang Kapamilya Day ng DZMM ang paghahanap ng scholars sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Magkakaroon po ng criteria para maging IAAS scholar, hindi po kailangan ng may medical background kasi po ‘yung may mga medical background, they can afford to study.
“Ang hinahanap po namin ay ‘yung may kakayahan at kagustuhan ding mag-aral, may pangarap sa buhay. Siyempre tatanungin din po namin ‘yung pamilya, kasi sayang naman po kung sa kalagitnaan ng kanilang pag-aaral ay mahihinto. Kaya dadaan sila sa screening committee tulad sa mga programa nina Niña Corpuz, Julius Babao, Kuya Jobert sa DZMM,” pahayag ni Papa Ahwel.
Almost five years na ang International Academy for Aesthetics Sciences (IAAS) at marami na raw silang napagtapos at nagtuturo na rin sa kanilang eskuwelahan.
Samantala, tinanong naman si Papa Ahwel kung may pina-enhance na siya sa sarili niya.
“Gasgas man pong sabihin na ang beauty ay nanggagaling sa loob. Simula po talaga nu’ng nagtrabaho ako at nag-aral ay kailangan kumpleto ang tulog. Pero hindi po inililihim na mayroong mga nagbo-volunteer para mag-asikaso sa aking mukha. At ngayong nandito na ako sa IAAS ay may mga pagbabago sigurong kailangan nilang gawin bilang maging mukha ng IAAS pero pag-uusapan pa po namin.”
Pagkatapos ng presscon cum contract signing ay tinanong si Papa Ahwel kung sino sa mga artista ang kailangang i-enhance ngayon.
“Ang enhance ay hindi dapat beauty na panlabas kundi panloob. Siguro kailangan nila ‘yung beauty na panloob paa lumabas ang kagandahan nila.
“Hindi ko na papangalanan, pero ‘yung mga baguhan na nagsisimula pa lang sa mundo ng showbiz. Siguro bago ninyo i-enhance ang inyong physical ay mas unahin ninyo ang inyong kalooban, at maniwala kayo, beauty will start from within. Lalabas ang ganda ninyo bilang artista kung maganda ang kalooban ninyo at hindi ninyo kakailanganin ng anumang enhancement sa buhay,” katwiran sa amin.
Hiningan din siya ng komento tungkol sa same sex marriage.
“Ako po ay taong simbahan. Naglilingkod po ako at lumaki ako bilang altar boy at commentator. Ako po ay yumayakap sa pananampalataya ng Katoliko, kaya kung ano po ang itinuturo sa Simbahan, iyon po ang aking sinusunod,” pahayag ni Papa Ahwel.
-Reggee Bonoan