Isang barangay captain, na itinuturing na Top 7 high value target (HVT) sa Rizal, ang inaresto sa Station Anti-Criminality Operation (SACO) matapos makumpiskahan ng P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu, granada at mga bala sa Tanay kamakalawa.
Kinilala ni Rizal Police Provincial Office director, Police Senior Supt. Lou Frias Evangelista ang naaresto na si Angelito Pranada, alyas Bulilit, 54, kapitan ng Barangay Daraitan, Tanay, Rizal at residente ng Virallio Street sa naturang barangay.
Sa ulat ng Rizal PNP, naaresto ang suspek nang silbihan ng search warrant sa kanyang tahanan sa Virallio St., bandang 7:00 ng umaga kamakalawa.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 150 hanggang 200 gramo.
Bukod dito, nakumpiska rin sa suspek ang isang granada, dalawang bala ng 12 gauge shotgun, isang magazine ng cal .45 na may mga bala, at pitong cal .45 pistol.
-Mary Ann Santiago at Fer Taboy