SA panayam kay Zaijian Jaranilla sa Tonight with Boy Abunda nitong Lunes ay inamin niyang marami siyang insecurities nang tumuntong siya sa awkward stage.

Zaijian copy

Unang nakilala si Zaijian bilang si Santino sa teleseryeng May Bukas Pa (2009-2010), at ngayon ay gumaganap na Liksi sa Bagani. Labis ang pasasalamat niya sa ABS-CBN dahil maski raw tumuntong siya sa awkward stage at marami siyang pimples ay binibigyan pa rin siya ng mga proyekto ng Dos.

“’Pag awkward stage po nawawalan na ng projects, (kaya) thankful po ako sa ABS-CBN binigyan ako ng projects pa. Kahit hindi mga teleserye, tuluy-tuloy po kahit walang mga major (roles). Siguro po sa pagbubuti ko parang nakita naman po nila na deserved ko (mabigyan ng projects),” sinabi ni Zaijian kay Boy Abunda.

Tsika at Intriga

Gardo, no to political dynasty; gobyerno, 'wag gawing negosyo, bisyong pagnakawan

Oo nga. Noong unang ipakilala si Zaijian sa media ay nagustuhan talaga siya kaagad dahil super cute niya noon. Isa rin siya sa mga paborito naming kausapin noon, lalo na pagdating sa mga crush niya sa showbiz, na lagi niyang binabanggit si Cristine Reyes. Natatandaan pa kaya ito ni Zaijian?

Si Zaijian din ang nagkuwento noon sa entertainment press—na nag-set visit sa seryeng Noah kasama sina Piolo Pascual at Jodi Sta. Maria—na dumalaw sa set nila si KC Concepcion, na girlfriend noon ni Papa P. Pero mariin naman itong itinanggi ni Kristina Cassandra, at nasabihan pang nagha-hallucinate ang noon ay batang aktor.

Anyway, masayang ikinuwento ni Zaijian kay Kuya Boy na natulungan niya ang pamilya niya dahil sa sunud-sunod niyang projects.

Bagamat masaya ang batang aktor sa takbo ng showbiz career niya ay malungkot naman siya na hindi magkasama ang magulang niya pero hindi naging dahilan iyon para hindi umikot ang mundo niya.

“Ginawa ko silang inspirasyon at natutunan ko po kay Tita Dimples (Romana) na ‘yung mga pinagdadaanan, huwag mong sarilinin, ibigay mo ‘yan sa trabaho mo, para maging mas mabuti ka pa.”

Sa paglaki ni Zaijian kasama ang mga kapatid ay hindi nila nakasama ang nanay nila dahil tatay at lola niya ang nag-alaga sa kanila.

Sabi ni Zaijian kay Kuya Boy: “Lumaki ako na hindi ko kasama ang Mama ko, and wala kaming family pictures. Hindi ko gustong mangyari sa mga anak ko na paglaki nila, wala silang makitang family pictures together.”

Samantala, sa fast talk ay pinapili ni Kuya Boy si Zaijian kung Santino o Liksi at pareho itong pinili ng bagets, na tama lang dahil parehong mahalaga sa kanya ang dalawang karakter.

Speaking of Liksi, hindi naisip ni Zaijian na magiging Bagani siya bilang kapalit ni Mayari (Sofia Andres), kaya naman ang saya-saya ng bagets dahil sa maganda niyang karakter.

‘Yun nga lang, ang laki ng responsibilidad niya, dahil sa kanya nakasalalay ang kaligtasan ng Sansinukob habang hindi pa nakakabalik sina Lakas (Enrique Gil) at Ganda (Liza Soberano), dahil kasalukuyan silang pinagagaling. Pero nagkita ang dalawa, base sa teaser ng Bagani nitong Lunes ng gabi.

-REGGEE BONOAN