HINDI ko ikinamangha ang ulat na 300 pulis ang sinasabing positibo sa drug test. Ibig kong maniwala na hindi lamang gayon ang bilang ng mga alagad ng batas na sugapa sa bawal na droga; may mga naaaresto sa pot session at maging sa pagbebenta ng shabu.
Pasimuno sa gayong kasumpa-sumpang bisyo ang tinatawag na mga ninja-cops na malimit ipinanggagalaiti ni Pangulong Duterte – iyon ang mga pulis na nagbebenta – at maaaring gumagamit – ng mga illegal drugs na nakukumpiska nila sa mga users, pushers at drug lords.
Ang gayong mga alagad ng batas ang maliwanag na kumakandili o protektor ng mga durugista. Katunayan, sinasabing isang opisyal ng SAF (Special Action Force) at ilan pang alagad ng batas ang nadakip sa isang buy-bust operation ng isang anti-drug unit. Hindi nakapagtataka na ang ilan sa ating mga pulis, lalo na ang AWOL o absent without official leave, ay napapatay ng kanilang mismong mga kapuwa law enforcers.
Dahil sa matinding hawak, wika nga, ng mga bawal na droga, kawing-kawing na mga gawaing-kriminal ang kinasasangkutan ng ilang pulis, ilan sa kanila ay miyembro ng kidnap-for-ransom syndicate, robbery, carnapping at hired-killing operations.
Maaaring makasarili ang aking pananaw sa ilang sektor ng Philippine National Police (PNP), lalo na ang mga mapagmalabis sa kanilang kapangyarihan. Hindi ko malilimutan ang hayagang pagpapabaya ng isang grupo ng mga alagad ng batas sa pag-aksiyon sa aming kinarnap na kotse. Sapat nang tanggapin nila ang ulat hinggil sa pagkawala ng naturang sasakyan. Dahil dito, hindi maiaalis na sila ay paghinalaang kasabwat ng mga kriminal syndicate. Nakapanlulumo ang pagkanakaw sa nasabing kotse na kaloob ng kompanyang pinaglingkuran ko nang mahabang panahon.
At lalong hindi ko malilimutan ang sinasabing pagkakasangkot ng isang alagad ng batas sa karumal-dumal na pagpatay sa aking bunsong kapatid na si Rogelio Lagmay – ang pinakabatang Alkalde ng Zaragosa, Nueva Ecija noong kanyang kapanahunan. Siya, kasama ang tatlong iba pa ay sabay-sabay na pinaslang sa tinaguriang ‘noon-time massacre’, maraming taon na ang nakalipas. The rest is history, wika nga.
Totoong maliit lamang ang bilang ng mga pulis na umano’y positibo sa drugs: 300 lamang ang bilang. Subalit sapat na ang bilang na ito upang madungisan ang kapuri-puring imahe ng PNP; upang madamay ang iba pang pulis na tunay na huwaran sa marangal na paglilingkod tungo sa pangangalaga ng katahimikan ng mga komunidad.
-Celo Lagmay