Bumuwelta si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa mga miyembro ng Senate Majority Bloc na nagsasabing pinipigilan umano ng minorya na umusad ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaang sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano sa isinagawa niyang Facebook live noong Martes, Hunyo 2, 2026, na ayaw daw ng mga miyembro ng minorya o ng Solid Bloc 11 na magpatuloy ang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee kung saan maaari daw lumabas ang buong katotohanan sa flood control project anomalies.
“Ang sinabi nila na hindi katotohanan ay dahil daw ito sa impeachment. Pero 'yun pala, ito'y tungkol sa maraming bagay, kasama po na magkaroon ng independent, impartial impeachment, but also ayaw na magkaroon ng hearing sa Blue Ribbon na kung saan lalabas ang buong katotohanan,” ani Cayetano.
Sa naging tugon naman ni Pangilinan sa naging panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Miyerkules, Hunyo 3, sinabi niyang maliwanag naman daw na noon pa nila gustong matuloy ang imbestigasyon sa naturang anomalya.
“Maliwanag sa amin, mula pa noon hanggang sa ngayon, na patuloy ang pag-iimbestiga sa flood control,” pagsisimula niya.
Ani Pangilinan, pito pa nga raw sila, sa katunayan, na pumirma sa report ng flood control projects anomalies para maimbestigahan na ang ilan nilang mga kasamahang senador.
“In fact, pito kaming pumirma sa report na ‘yan dahil inirerekomenda natin ang pagsasampa ng kaso at pag-iimbestiga sa ilang mga kasamahan natin,” aniya.
Buwelta ni Pangilinan, ang mga miyembro nga raw ng mayorya ang hindi pumipirma sa report ng flood control projects anomalies para sana mataas na iyon sa plenaryo ng Senado at mapagdebatehan.
“Tuloy-tuloy ‘yan. ‘Yan nga ay parang binabaluktot na naman ang katotohanan. Sinasabi [nila], hindi daw namin iniimbestigahan ang flood control, e, hindi sila [majority bloc] pumipirma,” diin niya.
Paliwanag niya, “Kapag hindi sila pumirma, hindi ito mapupunta sa plenaryo para madebate. At kung gusto nilang makipagdebate, doon sa plenaryo. Kapag hindi sila sumasang-ayon sa report, sabihin nila sa debate sa plenaryo.”
“Pero ayaw nilang pirmahan, e,” pahabol pa ng senador.
Pagpapatuloy ni Pangilinan, isa na naman daw patunay ang nasaad niya na binabaluktot ng mga miyembro ng mayorya ang totoong isyu at naratibo sa mahahalagang usapin.
“Isa sa namang patunay na binabaluktot itong mga isyu at naratibo,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang ganoon!' Minority bloc, pinabulaanang niligawan si Sen. Jinggoy
KAUGNAY NA BALITA: Sigaw ng Solid Bloc 11: 'Alan Peter Cayetano resign!'