Ni REGGEE BONOAN
MANAKA-NAKA pala ang shooting ng pelikulang Darna na pagbibidahan ni Liza Soberano, dahil abala siya sa taping ng Bagani, bukod pa sa panay pa rin ang ensayo ng dalaga sa fight scenes na kakailanganin niya sa pelikula.
As of now ay hindi pa rin naglalabas ng pahayag ang Star Cinema at si Direk Erik Matti kung sino ang leading man ni Liza, pero tulad ng nasulat namin dito sa Balita rati ay si Tony Labrusca ang alam namin.
Hindi naman ito kinumpirma ng taga-Star Cinema nang banggitin namin ang pangalan ni Tony bilang leading man ni Liza.
Abangan na lang daw namin.
Samantala, hindi pang-2018 Metro Manila Film Festival ang Darna, dahil sa last quarter ng 2019 pa ito ipalalabas sa mga sinehan.
“Masyadong malaki ang Darna kaya hindi ito minamadali, kilala mo naman si Direk Erik, mabusisi. At saka maraming action scenes kaya hindi puwedeng ngaragin si Liza lalo’t sabay niyang ginagawa ang Darna at Bagani,” sabi sa amin ng source naming taga-ABS-CBN.