Inihayag ni Marawi City Mayor Majul Gandamra na sisimulan ang malawakang rehabilitasyon sa nawasak na lungsod sa kalagitnaan ng Hunyo, o pagkatapos ng Eid’l Fitr, ang tanda ng pagtatapos ng Ramadhan, at sisimulan ang pagbangon sa mismong Ground Zero.
Ito ang inihayag ng alkalde sa isang panayam sa radyo nitong Lunes, kasabay ng paglalahad ng mga aktibidad na inihanda ng kanyang opisina para sa unang anibersaryo ngayong araw, Mayo 23, nang pagsalakay ng Maute-ISIS sa siyudad, na sinundan ng limang-buwang digmaan.
Inaasahang magsasagawa ng iftar (hapunan matapos ang paglubog ng araw sa panahon ng Ramadhan) ngayong Miyekules ng gabi ang pamilya, kamag-anak at ilang tagasuporta ng pinuno ng lungsod, bilang pasasalamat sa kaligtasan mula sa pagsasanib-puwersa ng Maute-ISIS at Abu Sayyaf Group.
Matatandaang si Mayor Gandmra, kasama ng ilan niyang tagasuporta, ay nanatili sa kanyang opisina sa loob ng mahigit isang linggo makaraang sumalakay sa siyudad ang Maute noong Mayo 23, 2017, upang depensahan ang city hall mula sa mga terorista.
Sa panayam, sinabi ni Gandamra na ang nakatakdang konstruksiyon ay magbibigay ng malaking pagbabago sa pisikal na anyo ng 24-ektaryang main battle zone o ang Ground Zero ng Marawi.
Una nang inihayag ni Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chairman Eduardo del Rosario na sisimulan ang rehabilitasyon sa Ground Zero.
Sinabi rin ni del Rosario, na namumuno sa Task Force Bangon Marawi, na papayagan nang makauwi sa kanilang tahanan ang mga bakwit na nasa 67 evacuation centers bago matapos ang taon.
PROBLEMADONG RESIDENTE
“Ang dalawang building ko, ang dalawang building ko!” Ito ang himutok ng taga-Marawi na si Ismael Oti, 60, habang itinuturo ang dalawang limang-palapag na gusali sa loob ng Ground Zero, na naabo matapos ang digmaan.
Isa si Oti sa mga pinayagan nang makabalik sa Marawi nitong Mayo 10 upang mabisita ang kanyang mga ari-arian at maisalba ang maaari pang pakinabangan bago simula ang rehabilitasyon.
Iginiit ni Oti na naipundar niya ang lahat ng kanyang ari-arian sa mabuting paraan sa mga nagdaang taon.
“Walang masama d’yan, hindi ako nagdroga, hindi ako nagnakaw at nag-five-six, masama sa amin ‘yan,” ani Oti.
-ALI G. MACABALANG at BONITA L. ERMAC