Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang pagsibak sa puwesto sa isang pulis sa General Santos City na kabilang sa mga bumatikos sa kanya sa social media.
Ang pulis na tinutukoy ni Albayalde ay si PO1 Abder Hassan Baro Bahara, nakatalaga sa General Santos City-Station 6.
Paliwanag ni General Santos City Police director, Senior Supt. Raul Supiter, natanggap na niya ang utos ng pagsibak sa puwesto kay Bahara.
Nag-ugat ang usapin nang magbigay ng komento si Bahara sa Facebook na nagsasabing sa halip na bigyan ng warning ang mga pulis sa paggamit ng cellular phone kapag nasa duty ay dapat ay bigyan na lamang sila ni Albayalde ng handheld radio habang naka-duty.
Nitong Mayo 11, ipinatawag na si Bahara sa PNP national headquarters sa Camp Crame, at pinagpaliwanag kaugnay ng pambabatikos sa PNP Chief sa social media.
Dahil dito, maghahain ng kasong administratibo ang PNP-Internal Affairs Service laban kay Bahara.
Pansamantalang itinalaga si Bahara sa Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) habang iniimbestigahan ang kanyang kaso. (Joseph Jubelag)