Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n,h. -- Magnolia vs Phoenix

6:45 n.g. -- Ginebra vs TNT Katropa

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

TATANGKAING makisalo sa liderato na kasalukuyang hawak ng Rain or Shine ang TNT Katropa sa pagpuntirya nila ng ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa sa Barangay Ginebra sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Commissioners Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Maghaharap ang Katropa at ang crowd favorite Gin Kings ganap na 6:45 ng gabi pagkatapos ng unang salpukan na sisimulan ng 4:30 ng hapon sa pagitan ng Magnolia at Phoenix.

Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang Katropa sa likod ng solong lider Elasto Painters (3-0) hawak ang barahang 2-0, pagkaraang magwagi kontra Globalport at Phoenix.

Sa kabilang dako, galing naman sa kabiguan sa kanilang unang laban ang Kings sa kamay ng namumunong Rain or Shine, 89-108.

Sa pagkakataong ito, inaasahan na nakapag adjust na hindi lamang sa klima at sistema kundi maging sa istilo ng larong Pinoy ang import ng Ginebra na si Charles Garcia.

Mismong si Kings veteran guard LA Tenorio ang nagsabing hindi nila tinitingnan bilang temporary import lamang ang 6-foot-9 na si Garcia.

Katunayan kahit tapos na ang ABL finals hindi pa napapag-usapan sa team kung kukunin nila ang dating import na si Justine Brownlee.

Sinuman ang import na gagamitin ng Kings, nakahanda naman ang Katropa sa pamumuno ni import Jeremy Tyler, ang bagong recruit na si Terrence Romeo at mga beteranong sina Troy Rosario at Jason Castro.

Sa unang laro, sasalang naman sa unang pagkakataon ang nakaraang Philippine Cup losing finalist Magnolia Hotshots kontra Phoenix na magtatangkang bumangon sa nakaraang pagkabigo sa kamay ng TNT sa ikalawa nilang laro sa pangunguna nina import James White at ace guard Matthew Wright.

Ipaparada naman ng Hotshots ang kanilang 6-foot-10 at 31-anyos na import na si Vernon Macklin. (Marivic Awitan)