July 26, 2026

Home BALITA Politics

'Di kami naniniwala sa mga lord!' Sen. Robin, pinatutsadahan si Lourd de Veyra?

'Di kami naniniwala sa mga lord!' Sen. Robin, pinatutsadahan si Lourd de Veyra?
Photo courtesy: via MB

Muling naging usap-usapan si Sen, Robin Padilla matapos maglabas ng open letter ang manunulat at broadcaster na si Lourd de Veyra na nananawagan sa mga kawani ng opisina ng senador na gabayan ito sa mga pahayag kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa kaniyang liham, hinikayat ni De Veyra ang mga staff ng senador na paalalahanan at tulungan umano ang kanilang pinuno sa pagbibigay ng mga pahayag, kasunod ng mga naging komento nito na umani ng batikos mula sa ilang sektor.

Kasabay ng pagkalat ng naturang open letter, isang pahayag naman ang pinakawalan ni Padilla hinggil sa hindi niya pinangalanang persona.

“Pakiramdam niya, ‘lord’ siya. Alam n’yo, galit kami sa diyos-diyosan kaya hindi kami naniniwala sa mga ‘lord.’ Lalo na sa mga gambling lord, drug lord,”  anang senador.

Hirit pa niya, “‘Wag mo akong daanin sa ikaw ay media, ikaw ay may platform. Walang kinalaman ang mga nagtatrabaho sa’kin sa opisina. ‘Yang impeachment na ‘yan, lahat ng sinasabi ko, akin galing... Ipagpapasa-Diyos na lang kita,” ani Padilla.

Politics

Rep. Ace Barbers, binanatan magkapatid na Cayetano

Bagama't hindi direktang pinangalanan ng senador kung sino ang kaniyang tinutukoy sa naturang pahayag, iniugnay ito ng ilang netizens sa inilabas na open letter ni De Veyra.

Samantala, sa kaniyang liham, binigyang-diin ni De Veyra na ang panawagan niya ay nakatuon sa mga empleyado ng opisina ng senador, na aniya'y may mahalagang papel sa pagbibigay ng tamang impormasyon at payo sa kanilang pinuno lalo na sa mga sensitibong usaping pambansa.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang tanggapan ni Sen. Padilla hinggil sa open letter ni De Veyra, habang patuloy namang pinag-uusapan online ang isyu.