Ni Reggee Bonoan

WALANG ginawa ang entertainment press na imbitado sa presscon ng pelikulang My 2 Mommies na produced ng Regal Films kundi tumawa ng tumawa dahil kay Paolo Ballesteros dahil hirap siyang sagutin ang mga tanong kaya idinadaan na lang niya ang sagot sa mga biro na double meaning.

Solenn, Paolo, Joem at Marcus

As expected, bading ang karakter ni Paolo sa pelikula at nagkaroon sila ng anak ni Solenn Heussaff na si Marcus Cabais.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

May isip na si Marcus nang ipakilala ni Solenn ang anak sa ama na ikinagulat naman dahil nga paano nga naman nangyari, e, bakla siya at karelasyon niya si Joem Bascon.

Hawig sa tunay na buhay ni Paolo ang kuwento ng My 2 Mommies dahil may anak din siya, si Keira at siyam na taong gulang na na halos ka-edad lang din ni Marcus, na walong taon naman.

Kaya hindi naiwasang tanungin si Paolo kung ano ang struggle niya kung paano palakihin ang anak at kung alam na nito ang tungkol sa tunay niyang pagkatao.

“Struggle nga ang tanong mo. Unang-una, mahirap para sa akin ang maging tatay kasi hindi ko kasama nasa mommy niya. Pero of course, hindi ko naman nakakalimutan ang responsibilities ko bilang tatay. Tapos ‘yung struggle, oo struggle talaga. Pero ngayon, modern na ang mga bata especially sa social media, laging nanonood ng Youtube I’m sure alam nila ‘yung mga bagay na ganyan.

“Wala pa naman siyang (Keira) tinatanong, unless magtanong na siya, wala naman akong magagawa, eh (sasabihin ang totoo). Pero dati pa naman nakikita na niya ‘yung mga make up ko sa bahay, hindi ko naman tinatago nasa cabinet lang, tapos mga closet ko bukas, ginagawang laruan ‘yung mga wig ko, mga high heels ko. I’m sure naiisip na rin niya ‘yun na ‘ang galing naman niya (Paolo) mag-makeup, ha, ha, ha’. When the time comes, ready naman ako,” pahayag ng aktor.

At tungkol naman sa mga eksena sa My 2 Mommies ay pawang suggested lang dahil nga may kasamang bata sa pelikula.

“Pang GP (General Patronage) ito, meron lang magkatabi kami sa kama ni Joem, ‘yun the usual na ginagawa, hanggang doon lang,” katwiran ni Paolo.

Samantala, may pa-challenge pala sina Paolo at Solenn sa isa’t isa ime-makeup nila ang sarili nila na kamukha nila ang bawa’t isa.

Kuwento ni Pao pagkatapos ng Q and A ng My 2 Mommies, “meron kaming transformation challenge. Makeup artist siya (Solenn), struggle na naman ako. Sabi nga ni Solenn nahirapan siya, e, makeup artist na siya nahirapan pa, e, di lalo na ako.”

Itinanggi ni Paolo na mas magaling siyang mag makeup kaysa kay Solenn, “Hindi ah, sa transformation lang siguro,” mabilis na sabi ng aktor.

Bilib na bilib si Pao sa leading lady niya dahil walang inarte sa katawan kahit segue-segue sa mga shoot pagdating sa set ng My 2 Mommies ay hindi na nagpahinga o nag-nap man lang kundi sasalampak na sa sahig at mag make-makeup na para sa mga kukunang eksena.

“Sobrang professional niya as in. At masaya naman kami sa set kasi mabilis si Direk Erik Quizon mag-shoot kaya maagad kami natatapos,” kuwento ng aktor.

Sa Mayo 9 na mapapanood ang My 2 Mommies bilang Mother’s Day presentation ng Regal Films. Kasama rin sa pelikula ang nag-iisang Diamond Star na si Ms. Maricel Soriano.