Iminungkahi ni Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante, Jr. kay Vice President Sara Duterte na personal niyang sagutin ang mga alegasyong inilatag ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na tumanggap umano siyo ng milyon-milyong salapi sa isang drug lord.
Kaugnay ito ng isiniwalat ni Trillanes sa naging pagdalo niya sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment cases na kinakaharap ni VP Sara nitong Miyerkules, Abril 22, 2026 na nakatanggap daw ng aabot sa daan-daang milyong piso noon ang Bise Presidente, kaniyang amang na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at iba pang miyembro ng pamilya nito mula sa umano’y drug lord na si Samuel “Sammy” Uy.
Paglilinaw ni Trillanes, aabot umano sa kabuuang halaga na ₱181,653,487.55 ang umano’y natanggap na pera ng pamilya Duterte sa nasabing drug lord mula 2011 hanggang 2013.
KAUGNAY NA BALITA: Pamilya Duterte, tumanggap ng daan-daang milyon sa drug lord—Trillanes
Ayon naman sa naging manipestasyon ni Abante, nauna muna niyang idiniin ang sinabi rin ni Trillanes sa kaniyang affidavit na may pumasok daw na mahigit ₱111 milyon sa bank accounts ng pamilya Duterte noong 2016.
“Mahigit 111 million [pesos] ang pumasok sa mga accounts ni VP Sara as of April 2016 pa lamang,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “May mga summary of deposits din na nagpapakita ng mahigit na ₱2.4 billion na dumaloy sa account nila ni dating Pangulong Duterte.”
Giit ni Abante, hindi raw isang politikal na panghaharas ang ginagawa nila at hindi rin “tsismis” o sabi-sabi ang inilatag na mga tala ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“This is not political harassment… Madam Vice President, hindi po ito tsimis. Ito ay mga bank records na sinasabing similar sa hawak ng ALMC,” aniya.
Ani Abante, personal daw sanang pumunta si VP Sara sa kanilang Komite kung may mali sa inilahad ni Trillanes at para maitama rin daw silang mga mambabatas.
“Kapag mali ang computation ni Senator Trillanes, sana pumunta po kayo rito, Madam Vice President upang i-correct n’yo po kami,” saad niya.
Buwelta niya, mahalaga raw ang “transparency” ngunit kinuwestiyon niya ang pagkakaroon ni VP Sara ng maraming abogado sa kabila ng pagsasabi ng huli na simple lamang daw ang buhay nito.
Aniya pa, bakit din daw nauugnay si VP Sara sa pagtanggap ng milyon-milyong halaga mula sa isang umano’y drug lord.
“Sinasabi ninyo, [VP Sara], na simple lamang ang buhay ninyo pero ang dami n’yong abogado. Pero paano naging simple ang buhay kung may daan-daang milyong pisong payout mula sa isang tao na iniuugnay sa droga,” ‘ika niya.
“Transparency is a must,” pahabol pa niya.
Tuligsa pa ni Abante, hindi naman daw puwedeng naghahanap sila ng katotohanan habang naglalabas ng mga video statement si VP Sara.
“Sa Kongreso, ang truth ay makikita lamang kung sasagot ka sa tanong. You are the second official of this land. Hindi puwedeng sa video ka lamang sumasagot habang kami rito ay naghahanap ng katotohanan,” pasaring niya.
Pagpapatuloy ni Abante, napapanahon na raw para harapin mismo ni VP Sara ang mga alegasyong mayroon itong ill gotten at hidden wealth.
“It is high time for Vice President Sara to face these allegations of ill gotten and hidden wealth… Ayaw ko sanang maniwala dito but if the Vice President would appear here and explain all the allegations, then we will be able to find out the real truth of the matter,” diin niya.
“Show us your SALN, explain the Sammy Uy checks, and prove to the Filipino people na ang yaman ninyo, [VP Sara], ay galing sa pawis, hindi sa payout!” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay sa mga nasaad na ito ni Abante.