Usap-usapan ng mga netizen ang isa sa mga kandidato ng "Mister Pampanga 2026" matapos niyang ipamalas ang tiwala sa sarili nang sumabak siya sa swimwear category at ipakita ang kaniyang chubby na pangangatawan, na hindi karaniwan sa mga katulad na pageantry.
Kinilala ang nabanggit na kandidato na si RJ Perkins, kinatawan ng Angeles City, na umani ng atensyon matapos ang pageant noong Abril 19.
Sa social media, maraming netizen ang nagpahayag ng paghanga kay Perkins dahil sa kaniyang tapang at kumpiyansa sa sarili.
Ayon sa ilan, isa siyang magandang halimbawa ng pagtanggap sa iba’t ibang uri ng pangangatawan at pagsira sa matagal nang stereotype sa beauty pageants.
Marami rin ang nagsabing hindi lamang pisikal na anyo ang dapat basehan sa kompetisyon, kundi pati personalidad, dating, at confidence ng isang kandidato.
Dahil dito, muling umigting ang diskusyon hinggil sa nagbabagong pamantayan ng kagandahan at kagwapuhan sa makabagong panahon, kung saan mas binibigyang-halaga na rin ang pagiging totoo sa sarili at inclusivity sa mundo ng pageantry.
Sa panayam naman sa kaniya ng isang media outlet, aminado si RJ na kinabahan siya sa kaniyang ginawa lalo't hindi raw ito ang bagay na kinasanayan niya.
Pero ang mensahe raw ni RJ sa kaniyang ginawa, body positivity at pagtanggap sa kung ano ang katawan na ipinagkaloob ng Maykapal.
Si RJ ay dating trainee para sa male group na BGYO.