Ni Mary Ann Santiago
Habang isinusulat ito, nag-aagaw buhay ang isang caretaker makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng bahay nito sa Antipolo City sa Rizal, kahapon ng madaling araw.
Nilalapatan ng lunas sa ospital si Tessie Samson Precilda, 49, ng Bankers Village, Barangay Sta. Cruz, dahil sa tinamong apat na tama ng bala sa dibdib.
Sa ulat ng Antipolo City Police, naganap ang pamamaril sa loob ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar, dakong 12:15 ng madaling araw.
Naghahanda sa pagtulog ang biktima nang pumasok ang isang lalaki na armado ng baril at makailang beses binaril sa dibdib si Precilda.
Agad na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon matapos ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.