IBA ang ningning sa mga mata ng napakaganda, napakabait, napaka-talented, at napakaseksing beauty queen turned top fashion designer na si Jontie Martinez na nakasungkit ng prestihiyosong Ms. Telegenic at Ms. Friendship awards nang sumali sa katatapos na Timeless Beauty Pageant sa Taytay, Rizal.
Umaabot sa 40 iconic gay and transgender beauty queens mula sa dekada 80 at dekada 90 ang pinataob ni Jontie sa titulong Ms. Telegenic at Ms. Friendship na labis niyang ikinagulat.
“Hindi ko talaga ini-expect na mapapanalunan ko ang mga awards na ‘yun,” sabi ng magandang fashion designer.
“Nagpapasalamat ako sa mga bumubuo ng Timeless sa very, very fair at objective na turn out ng pageant.”
Isa si Jontie sa matitinik at mahuhusay na kontesera noong dekada 80 at tuluy-tuloy ang kanyang pag-ariba sa entablado hanggang dekada 90 bilang isa sa mga pinakatinitingalang beauty queens ng gay and transgender pagaent circuit.
Matapos ang halos 2 dekadang pamamayagpag bilang beauty queen, naging fashion designer si Jontie. Ang ilan sa kanyang mga dinamitan ay sina Nora Aunor, Anne Curtis at ang Powerhouse Diva na si Dessa.
Nitong nakaraang Biyernes, isa sa tampok na fashion designers si Ms. Jontie sa Marawing Salamat — The Best Of Opera & Fashion For Marawi sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa Cultural Center Of The Philippines. Ang proyektong ito ay para sa Duyog Marawi.
Inirampa ni Ms. Tourism Queen International grand winner Justine Gabionza ang pabolosong creation ni Jontie.
Isang citrine green tulle na artfully pleated over periwinkle sequins at embellished with embroidered lace cascading down the asymmetric train ang nilikha ni Ms. Jontie para naturang event.
Samantala, bagamat talaga namang napaka-telegenic ni Jontie, mas nakatuon siya ngayon sa pagdidisenyo ng mga damit sa ilalim ng House of Galatea na kanyang pinamamahalaan kasama ang equally gorgeous sister niyang si Ms. Nickky Martinez.
“May mga offer sa akin na lumabas sa TV pero fashion design po talaga ang first love ko,” nakangiting payahag ng magandang fashion designer.