RS, AI AI AT EX-BATALLION copy

Ni Reggee Bonoan

MAGKAKATULUNGAN ang grupong Ex-Battalion at Frontrow para lalo silang lumakas. Umabot na sa 44M views sa YouTube ang awiting Hayaan Mo Sila ng Ex-Batallion samantalang ang mga produkto naman ni RS Francisco tulad ng Luxxe White Gluta capsules, Bling and Glitz, Skin Whitening Bar at iba pa ang nangunguna ngayon sa market.

Bagamat alam niyang sikat na sikat ang grupo, aminado si RS Francisco na nagulat siya sa milyun-milyong hits sa YouTube ng Ex-Battalion.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Type ni RS ang awiting Hayaan Mo Sila na noong i-check niya ay nasa 21M views pa lang.

“To have 21 million hits, grabe! Kahit anong gawin ko, hindi ako maka-20 hits, eh,” nakangiting sabi ng stage actor/director at businessman.

Kaya kinuha niyang endorser ng Frontrow ang Ex-Battalion na dahil naman sa sobrang tuwa ay agad gumawa ng kanta na may titulong Follow Your Lead para sa negosyo niya.

Walang partikular na produktong ieendorso ang Ex-Battalion dahil mismong ang kumpanyang Frontrow ang bitbit ng sikat na rappers.

Nang may magtanong kung mahal ang talent fee ng Ex-Battalion, ang sagot ni RS, “Mahal ko sila.”

Ayon naman sa grupo, sobra-sobra ang kaligayahan nila na may nagtiwala para kunin sila bilang endorser at mas lalo silang gaganahang sumulat at umawit ng kanta na isi-share ulit nila sa publiko.

Namilog ang mga mata ng Ex-Battalion members nang banggitin ni RS na sa susunod na video shoot nila ay sa ibang bansa ang location para mas lalong makilala ang grupo, tulad ng Frontrow na sikat na rin sa buong mundo.

May nagtanong kung bibigyan din ni RS ng sports car ang mga miyembro tulad ng sinakyan niya nang dumalo siya sa presscon nitong nakaraang Linggo.

“Why not, nasa pagsisikap naman lahat ‘yan, kung worth naman nilang bigyan bakit hindi?” sagot ni RS.

Kasama sa contract signing ng Frontrow at ng Ex-Battalion ang manager ng grupo na si Ai Ai de las Alas na masaya rin dahil mababait at masunurin ang mga alaga niya.

Samantala, ang iba pang celebrity endorsers ng Frontrow ay sina Ellen Adarna, Marlon Stockinger, Boyband PH at sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Ayon pa kay RS, ipapakilala niya sa lalong madaling panahon ang isang big star na bagong endorser ng Frontrow.

“Saka ko na babanggitin kung sino, kakausap ko pa lang. ‘Pag nagkapirmahan na, ilo-launch ulit natin,” sabi ng presidente ng Frontrow.