Ni REGGEE BONOAN
CURIOUS kami at maging ang iba pang mga nakasabay naming nanood sa UP Film Center kung ano ang ibibigay na rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Citizen Jake na pinagbibidahan ni Atom Araullo at idinirehe at prinodyus ni Mike de Leon under Cinema Artists Philippines.
May narinig kaming usap-usapan na pagkatapos ng Semana Santa panonoorin ng mga kinatawan ng MTRCB ang pelikulang ito na pinagtatalunan ng mga nakapanood kung sa anong kategorya, indie o commercial film.
Napanood namin na itinodo na ni Atom ang gusto niyang gawin sa pelikula, first and last movie kasi niya ito dahil wala naman siyang planong maging dramatic actor o gumawa ng romantic-comedy. (Isa rin siya sa mga sumulat ng script kasama sina Noel Pascual at Direk Mike.)
Usap-usapan ng mga nakapanood na ng pelikula sa UP Film Center (nitong Marso 7, 13 at 23) na napakatapang at anti-political ito kaya imposibleng mapanood ito sa commercial theaters. Tungkol ito sa administrasyong Marcos at cronies na nagpayaman at hindi man lamang nakasuhan o nakulong.
Kibit-balikat lang kami sa ganitong mga kuwento dahil ilang beses na kaming nakapanood ng anti-Marcos o anti-martial law na mga pelikula tulad ng Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon (1976), Bayan Ko, Kapit sa Patalim (1970), Sakada (1970), Dekada 70, Dukot at maraming iba pa. Kaya ang tanong namin sa sarili habang papunta kami ng UP Film Center nitong Biyernes, ‘ano’ng bago?’
Aba’y maraming bagong tinalakay sa Citizen Jake tulad ng ipinakitang hindi lahat ng anak ng corrupt government officials ay pabor sa ginagawa ng magulang nila at ito ang naging karakter ni Atom bilang si Jake Herrera, journalist na nawalan ng trabaho dahil sa senador ang ama at naging blogger.
Walang pakundangang ibinubuyangyang ni Jake sa kanyang mga sinusulat ang kasamaan ng government officials kasama na ang amang si Senador Jacobo Herrera (Teroy Guzman).
Sapol na sapol ni Jake ang kasamaan nila kaya pinatitigil na siya ng ama dahil baka hindi na siya maipagtanggol sa susunod na mga gulong mapapasukan niya. Tinakot pang kapag hindi siya tumigil ay ibebenta ang bahay na tinitirhan niya sa Baguio na pag-aari ng inang nawala sa piling nila.
Humiwalay na kasi si Jake sa ama at sa kuya niyang si Congressman Roxie Herrera (Gabby Eigenmann) dahil hindi na niya masikmura ang kasamaan nila, kaya sa Baguio na siya nanirahan.
Iniwan ni Jake ang pahayagang pinagsusulatan dahil kumandidato ang ama sa pagkasenador, naging blogger siya, at dito niya inilalabas ang lahat ng sinusulat niya. Para mabuhay ay nagturo siya sa paaralan at dito niya nakilala ang kasintahang si Mandy (Max Collins).
Kasama ni Jake na naninirahan sa bahay-bakasyunan sa Baguio ang mga kasambahay na ginagampanan nina Ruby Ruiz, Nanding Joseph at Luis Alandy na gamit na ang tunay na pangalang Adrian. Naninilbihan sa kanila ang mag-anak simula noong bata si Jake kasama ng mama niyang ginagampanan naman ni Dina Bonnevie.
Pamilya na ang turing ni Jake sa mga kasambahay at itinuring na kapatid si Adrian na mas tumatak sa mga manonood ang karakter bilang si Pony Boy sa Wright Park.
Maraming ibinuking si kuwento ng Citizen Jake tulad ng struggling starlet na si Rosemarie Velez o R.V na ipinagprodyus ng pinakamataas na opisyal ng gobyerno para magkaroon ng pelikula na ang kabayaran ay maging kabit.
Hanggang si R.V ay naging bugaw na at nagpalit na rin ng pangalan bilang si Pat Medina (Cherie Gil) at naging asawa ng gobernador.
Kilalang negosyante sa Baguio si Pat na nilalapitan ng mga babaeng gustong kumita ng malaking halaga sa mabilisang paraan, at ibinubugaw ang mga ito sa mga kilalang tao sa lipunan.
May isang estudyanteng namatay dahil nasabit sa gusot ng sinamahang miyembro ng Hukom na pinatay ng mga kaaway.
Ang tunay na salarin sa krimeng ito ang tinuklas ni Jake na hindi inakalang napakarami palang sangkot, kasama na ang kanyang amang si Senador Jacobo.
Mahalaga ang bawat eksena sa Citizen Jake kaya paano kaya ito kakatayin ng MTRCB? Papayagan kaya nila itong ipalabas ng buo sa mga sinehan? Anong rating?
May malalaking opisyal ng gobyerno na nabanggit sa pelikula, pero hindi naman sila ang direktang involved kundi kamukha lang, batay sa pagkakakuwento ng isa sa cast na si Anna Luna na biktima rin ng prostitution.
Interesting ang pelikula at sana ay mapanood ito ng lahat. Gusto namin uli itong mapanood sa mga sinehan nang paulit-ulit dahil habang pinapanood mo ay umaandar ang isip mo kung sinu-sino ‘yung mga karakter na binabanggit ni Jake. At higit sa lahat, ipinamumulat ng pelikula ang tunay na sitwasyon ng Pilipinas at ng mga Pilipino.
Sana ay hindi ito maharang dahil malawak na kamalayan ang ibinabahagi ni Mike de Leon sa pelikulang ito.