August 21, 2026

Home BALITA National

DOLE: Empleyadong nakaranas ng job-related injuries dulot sa masamang panahon, may kompensasyon

DOLE: Empleyadong nakaranas ng job-related injuries dulot sa masamang panahon, may kompensasyon
DOLE

Maaaring makatangap ng kompensasyon ang mga manggagawang naaksidente o nakararanas ng job-related injuries dulot ng masamang panahon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, ito ay sa ilalim ng Employees’ Compensation (EC) Program ng Employees’ Compensation Commission (ECC), na idinisenyo upang bantayan ang kalusugan at financial security ng mga manggagawa.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Agosto 21, tiniyak naman ni ECC Executive Director Atty. Kaima Via B. Velasquez ang commitment ng komisyon na saklawin ang mga manggagawang nalalantad sa rain-related hazards o weather-related commuting accidents, bunsod na rin ng lumalalang mga panganib na maaaring dala ng masamang panahon para sa mga manggagawa sa bansa.

“Papunta sa trabaho at pauwi galing sa trabaho, covered na po ng Employees’ Compensation Program,” paniniguro ni Velasquez.

Dagdag pa niya, “So ibig sabihin po, ‘pag nag-aksidente sila dahil papasok sila sa trabaho, nadulas po sila dahil basa ang kalye, at nahulog po ang kanilang paa sa isang open manhole na covered ng EC.”

National

‘Nationwide School Safety Drill,’ gaganapin sa Agosto 25–DepEd

Nilinaw rin naman ni Velasquez na ang naturang coverage ay hindi lamang limitado sa panahon o oras kung sila ay nasa workplace lamang.

Tinukoy pa niya na isa sa mahahalagang benepisyo na available sa private-sector workers ay ang income replacement.

Ipinaliwanag ni Velasquez na ang naturang tulong pinansiyal ay nagsisilbing substitute salary para sa mga manggagawa na pansamantalang hindi makakapasok sa trabaho dahil sa job-related accidents o sickness.

Bukod dito, eligible rin aniya ang mga empleyado para sa medical reimbursement na hanggang 60% ng kaniyang treatment at doctor consultation expenses.

Aniya, upang matanggap ang naturang benepisyo, dapat na maiprisinta ng manggagawa ang lahat ng official hospital at medical receipts mula sa kaniyang treatment, na siyang ipu-proseso ng ECC.

Maaaring mag-file ng claim ang mga private sector employees sa pamamagitan ng kanilang Social Security System (SSS) habang ang mga kawani naman ng pamahalaan ay maaaring mag-file sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS).

Ang mga self-employed workers naman ay dapat na magsumite ng kanilang EC claims sa pamamagitan ng SSS app, habang ang mga government workers na nais makakuha ng EC benefits ay dapat na kumontak sa local GSIS office upang isapinal ang kanilang claims.

Para naman sa mga aksidenteng naganap off-site o kung ang manggagawa ay nasa kaniyang daily commute, kinakailangan lamang ng claimants na magprisinta ng balidong dokumentasyon ng insidente sa SSS o GSIS upang maestablisa ang kanilang benefit eligibility.

Nabatid na maaaring makipag-ugnayan ang mga manggagawa sa ECC sa pamamagitan nang pagbisita sa kanilang regional extension units o ay sa kanilang official Facebook page at website na www.ecc.gov.ph.